Sarap na ‘di bitin! Netizen, gumawa ng ‘mango pizza’ sa panahon ng community quarantine

  • Gumawa ng mango pizza ang isang netizen base sa paglalarawan ng kaniyang mga kaibigang nakakain na nito sa isang restaurant sa Guimaras
  • Balak sana nilang dayuhin ito noong bakasyon subalit hindi ito natuloy dahil sa pandemya
  • Ibinahagi niya ang mga sangkap at hakbang sa paggawa nito

Isa ang pizza sa mga pagkaing impluwensiya mula sa ibang bansa. Paborito rin itong ipa-deliver ng mga Pilipino sa kanilang tahanan ngayong panahon ng community quarantine. Ang mga tipikal na variants na patok sa mga pizza lover ay ang Ham and Cheese, Hawaiian, Pepperoni, Sea Food Overload, at iba pa.

Subalit nakatikim ka na ba ng  Mango Pizza? Iyan ang pinagkaabalahang gawin ng isang maybahay na si Janelle Marasigan-Custodio habang nasa community quarantine pa ang lahat, dahil na rin sa pagkahilig sa pagluluto ng iba’t ibang pagkaing kakaiba. Ibinahagi niya ito sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Janelle Marasigan-Custodio

Ayon sa kaniyang caption, “Utang-uta ka na sa mangga pero bawal sayangin ang pagkain! Hahaha! TA-DA! Mango Pizza!”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Hindi makapunta sa Iloilo para sa mango pizza, dalhin ang mango pizza sa Manila! Hahaha,” turan ng isa.

Sabi naman ng isa, “Paano, Ate? Will try this. Dami ring mangga rito sa amin. Parang napakasarap niyang tingnan sa photo mo.”

“Seriously? Puwede pala? Sabagay, pineapple nga at mga gulay puwedeng ilagay sa pizza, mangga pa kaya?” pahayag naman ng isa.

Sa panayam kay Janelle na isang guro, ibinahagi niya ang mga sangkap at hakbang sa paggawa ng mango pizza.

“Ingredients: store bought pizza crust (Kahit anong mabibili sa supermarket), mango sliced thinly, cheddar and mozzarella cheese or Quickmelt cheese kung wala, pizza sauce, at sliced green bell pepper,” ayon sa kaniya.

Para naman sa hakbang ng pagluluto, “Una, hiwain ang mangga nang maninipis. Pagkatapos, ilagay ang pizza sauce sa pizza crust. Ilatag ang mga mangga. Lagyan ng keso sa ibabaw. Ilagay sa taas ang green bell pepper. Lutuin sa oven sa loob ng 10 minuto, 220 degree Celsius. Pagkaraan, maaari nang ihain.

Public Domain Image

Gumawa siya ng sariling mango pizza dahil nais niyang matikman ito sa “The Pitstop Restaurant” na matatagpuan sa San Miguel, Jordan, Guimaras.

Dahil naudlot ang kanilang pagbabakasyon sana roon, naisipan na lamang niyang ipakuwento sa mga kaibigang nakatikim na nito ang kanilang mga nalasahang sahog sa nasabing mango pizza.

Kilala ang lalawigan ng Guimaras sa masasarap na mangga. Sa katunayan, taon-taon ay ipinagdiriwang nila ang Guimaras Mango Festival.

Pagbabahagi niya pa, nasubukan na rin nila ang lahat ng recipe sa mangga gaya ng mango shake, mango salsa, at manggo “Sky flakes” float.

Handa ka na bang tikman ang mango pizza?

Loading…