Saudi Arabia nagbigay ng 72 hours na palugit sa Pilipinas upang iuwi ang mga labi ng 353 OFWs

Imahe mula sa Arab News
  • Nagbigay ng 72 hours na palugit si Saudi King Salman sa Pilipinas upang iuwi ang mga labi ng 353 OFWs
  • Ang 107 sa 353 OFWs na nabanggit ay dahil sa COVID-19
  • Napakiusapan ni Philippine Ambassador to KSA na si Adnan Alonto na habaan ang palugit na ibinigay

Nagmamadali ang pamahalaan sa paghahanap ng maaarkilang mga cargo planes upang maiuwi ang mga labi ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na sinawimpalad sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA). Tatlong araw o 72 hours lang ang ibinigay na palugit ni King Salman upang maiuwi ang mga iyon.

Imahe mula sa Arab News

Ayon sa Philippine ambassador to the KSA na si Adnan Alonto, 353 lahat ang mga OFWs na binawian ng buhay sa KSA; ang 107 sa kanila ay dahil sa COVID-19 samantalang ang iba ay sa natural causes at iba pang dahilan.

Hindi nilinaw ni Ambassador Alonto kung kailan pa yumao ang mga OFWs at kung gaano katagal ang proseso ng repatriation. Aniya, nakikipag-ugnayan na siya sa Department of Foreign Affairs upang mapabilis ang pagbalik sa bansa ng mga katawan.

Sinabi ni Alonto na ang mga OFWs na yumao dahil sa COVID-19 ay posibleng sa KSA na ilibing dahil sa requirements na ibinigay ng Saudi authorities.

“Nag-issue po ng requirement ang authorities na kapag COVID-19 ang cause, the body should be disposed within the 72 hours,” pahayag ni Alonto sa Laging Handa virtual briefing.

Dahil ginagahol sa panahon, umapela ang Philippine government sa KSA na bigyan ito ng mas mahabang panahon kaugnay dito.

Screenshot mula sa PCOO video

Ipinahayag ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III nitong Martes, June 23, na pumayag ang KSA sa request ng Pilipinas, ngunit hindi niya nabanggit kung gaano katagal ang karagdagang panahon na ibinigay.

“Napakiusapan naman ni Ambassador Alonto at ng ating labor attache na kung maaari bigyan pa tayo ng time para makahanap ng eroplano na maglilipad sa kanila,” pahayag ni Sec. Bello.

Sinabi rin ni Bello na pinag-aaralan nila kung iuuwi sa bansa o hindi ang mga OFWs na minalas sa COVID-19.

Imahe mula sa PCOO

“Pinag-aaralan namin ng task force na baka delikado kung iuuwi pa natin dito at baka madamay pa iyong mga kamag-anak na sasalubong at makikipaglibing,” aniya.

Tiniyak naman ni Presidential Spokesman Harry Roque na may matatanggap na cash benefits ang mga kaanak ng mga sinawimpalad na OFWs.

Loading…