Finding Lola Felica: 67-anyos na senior citizen na naglakad patungong MRT station hinahanap upang matulungan

  • Isang senior citizen ang naispatang umiiyak sa MRT-3 North
  • Hindi kasi siya pinayagang makasakay sa tren; bawal kasi umanong lumabas at maglakbay ang mga senior citizens batay sa panuntunan ng IATF
  • Marami naman sa mga netizens ang naghahanap ng ilang mahahalagang impormasyon upang matulungan si nanay

Dumagsa ang mga pasahero sa mga pangunahing lansangan ng National Capital Region o NCR sa unang araw ng General Community Quarantine o GCQ nitong Hunyo 1, 2020 upang maisalba umano ang bumabagsak na ekonomiya ng bansa dulot ng COVID–19 pandemic. Lahat ay apektado, lalo na ang mga karaniwang pasahero.

Isa sa mga lubhang naapektuhan at nahirapang makasakay ang isang babaeng senior citizen na nagngangalang Felica Osiana, 67 taong gulang, mula sa Agham Road, Quezon City.

Imahe mula sa Facebook post ni Jacque Manabat

Ayon sa Facebook post ng ABS-CBN reporter na si Jacque Manabat, 30 minutong nilakad ni Nanay Felica ang daan patungo sa kanilang bahay patungong Quezon City Hall; nagbaka–sakaling makasakay upang makuha ang pensyon ng kaniyang asawa sa San Juan City.

Nang hindi umano siya pinalad na makasakay, nagpasya siyang muling maglakad patungo sa estasyon ng MRT-3 North. Halos isang oras umano ang kaniyang nilakad bago makarating doon. Tinangka niyang sumakay ng MRT subalit hindi siya pinayagan dahil bawal umanong bumiyahe ang mga senior citizens sa ilalim ng panuntunan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases o IATF.

Muntik na raw mahimatay si Nanay Felica dahil sa labis na pagkapagod dulot ng paglalakad. Mabuti na lamang at naroon lamang ang MRT3 medical team at mabilis na dinaluhan ang senior citizen. Naispatan naman ito ng ilang mga tauhan ng Inter-Agency Council on Traffic o I-ACT ng MMDA kaya nagmagandang-loob silang ihatid pauwi ang senior citizen.

Kailangan sana ni Nanay Felica na makuha ang pensyon ng kaniyang asawa upang maipambili niya ng maintenance medicines.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

Imahe mula sa Facebook post ni Jacque Manabat / Public Domain Image

Turan ng isa, “Please let us know how we can help! Super willing to give more supplies for her so she doesn’t need to go out. Our seniors need to stay home and stay safe!”

“Kawawa naman si Nanay! Sana maabutan siya ng tulong-pinansiyal para hindi na niya kailangan pang lumabas ng bahay niya at bumiyahe. Bukod sa wala pang masyadong masasakyan at vulnerable ang edad niya sa virus, delikado rin ang init ng panahon ngayon,” sabi naman ng isa.

Senior citizens, persons below 21 years old puwedeng lumabas sa ilalim ng GCQ – Sen. Angara

Samantala, paglilinaw ni Sen. Sonny Angara, “The guidelines for areas under GCQ are very clear. Senior citizens and persons below 21 years of age, while required to continue staying inside their homes, are allowed to go out to buy essential goods like food and medicine and to obtain essential services.”

Ang pahayag ng senador ay kasunod ng napaulat na kuwento ng senior citizen na si Felica na kukuha ng pensyon ng asawa upang makabili ng maintenance medicine ngunit hindi pinasakay sa MRT-3. Pinagsabihan pa umano ang matanda na bawal silang lumabas.

Hinahanap na ngayon ng maraming netizens ang anumang mahahalagang impormasyon ni Nanay Felica upang maipaabot ang tulong sa kaniya.

“This is truly saddening. Can anyone help me and my page, “Papi Gaming” to know her contact details? I have a very very soft heart when it comes to elderly people, senior citizens because I didn’t get the chance to express my love for my Nanay longer and make her feel how much I love her. Please, in any way I can I wanna help Nanay Felica. Thank you,” sabi ng isa.

Panawagan naman ng isa, “Hello po, may mga nagtatanong po dito sa comment section na gusto pong tumulong baka puwede ninyo pong mai-provide yung name and contact number to send help.”

May sagot naman dito ang reporter na si Jacque Manabat, “She did not give her phone number but I have her address. PM (private message) na lang po para hindi public yung info.”

Sa mga nagnanais tumulong kay Nanay Felica, maaari lamang makipag-ugnayan kay Jacque Manabat sa pamamagitan ng pagpapadala ng pribadong mensahe sa kaniyang Facebook account.

Kung nasaan man si Nanay Felica ngayon, sana ay nasa mabuti siyang kalagayan!

Loading…