Simbahan sa Nueva Ecija gumamit ng mga rebulto ng santo para sa social distancing

  • May diskarte ang isang simbahan sa Nueva Ecija upang maipatupad ang social distancing
  • Naglagay sila ng mga rebulto ng santo sa bawat upuan upang magsilbing dibisyon o harang
  • Nasa ilalim na kasi ng MGCQ ang buong lalawigan kaya maaari na ang 50% ng mass gatherings

Isa sa mga nahintong regular na gawain ng mga tao ang pagsisimba o pagtungo sa mga bahay-panambahan upang maipahayag at maipamalas ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Lahat ng relihiyon o sekta ay pinagbawalang magsagawa ng mga religious gatherings bilang bahagi ng health protocols. Karamihan din kasi sa mga naitalang kaso ng paglaganap ng COVID-19 ay mula sa mga religious activities.

Sa unti-unting pagbubukas ng mga establisyimiento at pagpapanumbalik sa mga dating nakasanayang gawain tulad ng pagsisimba sa mga lugar na nasa Modified General Community Quarantine o MGCQ, may naisip na paraan ang isang St. Joseph Husband of Mary Parish sa bayan ng Rizal, Nueva Ecija upang masunod ang social distancing.

Imahe mula sa Facebook account ni Mela Lemoras

Ginawa nilang dibisyon sa mga upuan ang mismong mga rebulto ng santo. Kumbaga, literal na inilapit nila sa tao ang mga santo na simbolo ng kabanalan at pagsunod sa Diyos. Ideya ito ng kura paroko ng simbahan na si Reverent Father RR Ocampo at ang mga rebulto ay ipinahiram mismo ng mga deboto na regular na nagsisimba.

“Nag-iisip ako kung paano magiging creative in such a way na kapag bumalik ang mga parishioners sa simbahan ay ibang klaseng atmosphere at ambiance ang siyang mararamdaman nila,” ayon sa kura paroko.

Giit din niya, walang dapat ikabahala ang mga magsisimba sapagkat dinidis-infect naman nila ang mga rebultong nakakatabi nila sa mga upuan.

Dahil buo ang paggalang ng mga deboto sa mga santo, naging matagumpay naman ang unang beses na pagdaraos ng misa noong Linggo, matapos ang halos apat na buwang community quarantine. Sa ilalim ng MGCQ, pinapayagan na ang 50% ng mga mass gatherings.

Imahe mula sa Facebook account ni Mela Lemoras

Mga imahe ng santo, gabay ng mga pumupunta sa simbahan upang mapanatili ang social distancing

Sa isang simbahan din sa Nueva Ecija, mga larawan naman ng santo na naka-frame ang ginamit ng Immaculate Conception-Llanera bilang pangharang sa mga upuan ng mga magsisimba upang matiyak na makasusunod pa rin sa social distancing. Halos kalahati lamang ng karaniwang kapasidad ang maaaaring makaupo rito.

Loading…