Single mom na nalugi ang printshop dahil sa pandemya, kumikita ngayon ng P50K kada araw sa chicken business

Screenshot mula sa video ng 24 Oras
  • Isang single mom na nalugi ang printshop dahil sa pandemya muling nakabangon
  • Sa loob lang ng tatlong buwan ay nagkaroon na siya ng tatlong tindahan, dalawang sasakyan at nagpapagawa ng storage facility para sa mga panindang manok
  • Limang toneladang manok kada araw ang naibebenta ni Minda na kumikita ng P50,000 daily

Sa loob lang ng tatlong buwan ay napakalaki ng naging pagbabago sa takbo ng buhay ng isang ginang na napag-alamang isang single mom dahil sa magandang pagkakataon na ibinigay sa kanya.

Screenshot mula sa video ng 24 Oras

Nawalan ng steady source of income si Minda Nacario nang tuluyan nang isara ang kanyang printshop simula noong Marso nang ipatupad sa Metro Manila ang enhanced community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

“Dumating ‘yong time na ‘yong baby ko walang diaper tapos nagkasakit siya. Sabi ko, wala akong pambili ng gamot hanggang sa dumating ‘yong time na pakainin ko na lang siya ng asukal,” kuwento ni Minda.

Sinabi niya sa kanyang sarili na kailangan niyang gumawa ng paraaan upang kumita ng pera at makapag-ipon upang makapagtinda-tinda siya.

Nagsimula raw siya sa puhunang P2,500 at nagbenta online ng ilang piraso ng mga manok. Habang lumilipas ang mga araw ay unti-unting lumakas ang kanyang benta.

Lalo pang nadagdagan ang kanyang mga customers nang alukin siya ng Quezon City Government na maging bahagi ng store on wheels program nito na direktang naghahatid ng mga paninda sa mga mamamayan sa kalagitnaan ng ipinatutupad na lockdown.

Screenshot mula sa video ng 24 Oras

“Binigyan po ako ng pagkakataon kung paano ako kumita, bumangon mula noong isang kayod, isang tuka. Pero dumating po ‘yong time na kaya naman pala, hindi naman pala puwedeng tuluy-tuloy ‘yong ganoon kung masipag ka talaga,” sabi ng ginang.

Makalipas ang tatlong buwan,mayroon nang tatlong tindahan si Minda. Nakabili na rin siya ng dalawang sasakyan. Kasalukuyan ding itinatayo ang storage facility para sa kanyang mga paninda.

“Gamitin lang ang kaunting utak at tsaka ‘wag matakot muna kasi kung puro takot ang iniintindi natin, hanggang doon lang maabot natin. Kung gusto n’yo pong i-try ‘yong ginagawa ko, wala pong imposible,” aniya.

Umaabot na sa limang tonelada ang naibebenta ni Minda kada araw at kumikita na siya ng P50,000 daily.

Iclick ang imahe para sa video ng 24 Oras

Loading…