Solusyon sa hugasin: Dahon ng saging, laman ng dish rack para daw wala nang huhugasang plato

  • Nagkatotoo na ang sermon ng mga nanay na sa dahon na lang kumain kung ayaw maghugas ng pinagkainan
  • Isang larawan kasi ang viral online kung saan makikita na dahon ng saging na ang laman ng platuhan
  • Solusyon daw ito sa mga taong ayaw maghugas ng pinagkainan 

Kamakailan ay nag-trending sa social media ang isang batang babae na gumawa ng paraan para kahit papaano ay maging komportable siya sa paghuhugas ng tambak na plato at iba pang ginamit sa pagkain. Kumuha siya ng upuan at dito siya hayahay na pumuwesto habang sinasabon ang mga hugasin.

Ngayong nakabakasyon ang marami, lalo na ang mga mag-aaral, siguradong marami sa mga ito ang nakatoka sa mga hugasin. At para sa iba, hindi masayang gawain ang maghugas ng plato. Kanya-kanya mang dahilan, pero ito ang obligasyon natin pagkatapos magpakasarap sa pagkain.

Larawan mula sa Facebook page na Di Umano

At sa mga tinatamad, alam na ang susunod na eksena. Nariyan ang klasikong sermon ng mga nanay na “sa dahon na lang kayo kumain para walang hugasan.” Ang sermon na ito, ngayon ay isa nang realidad para sa isang netizen.

In-upload ng Facebook page na Di Umano ang larawan ng isang dish rack na imbes na plato ang nakalagay, kasama ng mga kutsara at tinidor, ay mga nakahiwang dahon ng saging ang nakalagay. Dahil daw ayaw na niyang maghugas ng mga plato, ang mga dahon na lang ang gagamitin sa pagkain.

“Yung ayaw mo nang maghugas ng pinggan,” caption ng post ng Di Umano na umani na ng higit 1,300 reactions na karamihan ay ‘haha’ at 1,300 ding shares, wala pang isang araw matapos i-post.

Marami din ang naka-relate at na-good vibes sa post kaya naman marami rin ang nagkomento at nagpahayag ng kanilang damdamin sa larawan. Ayon sa mga netizen, lalo na sa mga nanay, malapit na raw talaga nilang gawin ito sa kanilang mga bahay.

Larawan mula sa Facebook

Pahayag ng mga netizen na may kasama sa bahay na tamad maghugas, ito nga raw siguro ang solusyon para walang away sa paghuhugas ng pinagkainan. Ang iba naman, maghahanap na raw ngayon pa lamang ng puno ng saging para makakuha na ng dahon.

Kanya-kanyang tag din ang mga netizen sa kakilala nilang ayaw maghugas ng mga plato. Ito na raw ang makabagong solusyon para sa mga katamarang taglay. Pabor naman sa ilan dahil daw “island” at probinsya feels ang kumain sa dahon.

Source :

Facebook, DF News

Loading…