SUV na minamaneho ni Ken Chan nabangga; aktor naawa sa driver na nakabangga

  • Isang aksidente ang bumulaga kay Ken Chan sa unang araw niya ng paglabas sa bahay matapos ang mahabang community quarantine
  • Nabangga ng L300 van ang likuran ng Mistsubishi Montero ng aktor
  • Walang balak magreklamo ang Kapuso actor dahil naawa siya sa driver na nakabangga

Unang araw pa lang ng paglabas ng aktor na si Ken Chan sa kanyang bahay matapos ang mahigit dalawang buwang community quarantine sa Metro Manila ay isang aksidente ang kinasangkutan niya sa Quezon City.

Screenshot mula sa GMA video

Galing umano ang Kapuso actor sa isang shooting at pauwi na ng bahay nang bigla na lang may bumangga sa likuran ng minamaneho niyang sports utility vehicle (SUV) na kulay puting Mitsubishi Montero. Nangyari ang insidente sa intersection ng Panay Avenue at Timog Avenue sa Barangay South Triangle dakong 2:30 ng hapon noong Miyerkules, ika-3 ng Hunyo.

Ang driver ng Mitsubishi L300 van na nakabangga sa sasakyan ni Ken Chan – na kinilalang si Benjamin Muyrong Jr. – ay naipit pa umano sa manibela ng minamanehong van dahil sa lakas ng impact ng banggaan. Ang pahinante niyang si Enrique Acutayan ay nagtamo rin ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad namang dumating ang isang QC-DRRMO Ambulance at itinakbo sa East Avenue Medical Center ang dalawa upang malapatan ng lunas.

Sa panayam sa aktor, sinabi nito na mabagal ang kanyang pagpapatakbo ng sasakyan dahil sa trapiko sa lugar kaya’t laking gulat niya sa malakas na kalabog nang banggain ang SUV niya. Ayon sa pulisya, walang pananagutan si Ken Chan dahil siya ang binangga.

Screenshot mula sa GMA video

Wala naman siyang plano na magreklamo pa. Sa katunayan ay naawa pa siya sa driver nang makitang naipit ito sa manibela.

“Hindi po pumasok sa isip ko na magsampa ng kaso dahil sa totoo po niyan, sobrang naaawa ako kay tatay na nakabangga po sa akin. Sana maayos ang lagay niya at sana hindi masyadong malala ‘yung mangyari sa kaniya kasi nagtatrabaho rin po ‘yung tao,” anang aktor.

Wala namang tinamong pinsala sa katawan ang aktor ngunit nayupi ang ilang bahagi ng kanyang SUV.

Imahe mula sa Remate

Loading…