Temperature check ng mga pusa sa UP Baguio, naghatid ng good vibes online

  • Marami ang nahumaling sa ka-cute-an ng mga pusa sa loob ng isang kilalang unibersidad sa Baguio City
  • Kaniya-kaniyang pose kasi ang mga ito habang may nakatutok na “thermeow scanner” sa kani-kanilang noo
  • Patuloy naman ang paghahatid ng good vibes ng mga larawan sa napakaraming netizens

Naghatid ng kakaibang aliw ang larawan ng mga pusa sa loob ng isang kilalang universidad sa Baguio City sa probinsiya ng Benguet.

Imahe mula sa UP Baguio Animal Welfare Committee | Facebook

Sa post ng Facebook page na UP Baguio Animal Welfare Committee noong June 15, makikita ang pagkamasunurin at pagkadisiplinado ng mga residenteng pusa sa loob ng naturang campus.

Kaniya-kaniyang lapit ang mga ito sa mga nagbabantay sa lugar at tila nagre-request na ipa-check ang kani-kanilang temperatura.

Makikita rin sa larawan ang mga nakaaaliw na pose ng mga pusa habang nakatutok sa kanilang noo ang tinaguriang “thermeow scanner.”

“Because UPB cats are compliant and well-disciplined,” mababasa sa naturang post.

Sa ulat ng ABS-CBN, ipinaalamng Animal Welfare Committee na matagal nang residente sa campus ang mga pusa at sumusunod rin ang mga ito sa physical distancing.

Kuha umano ang mga larawan nina Prof. Ivy Inovero at Emerald Esmeralda.

Sa mas naunang post, ibinidad ng AWC ang “pictorial” ng UP cats sa kalagitnan ng umiiral noon na enhanced community quarantine sa probinsiya.

Makikita ang lugar na halos walang katao-tao at tanging mga pusa lamang ang tila namamalagi sa campus.

Gayunpaman, inasikaso umano ni Chancellor Raymundo Rovillos at ng kaniyang administrasyon ang pagbibigay sa mga pangangailangan ng mga pusa para kahit papaano ay hindi magutom ang mga ito habang naka-ECQ ang lugar.

I-click ang imahe para makita ang orihinal na post

Ibinida rin ng AWC ang araw-araw na sakripisyo noon ni Dexter Ramirez upang pakainin ang mga residenteng pusa.

Ipinamalas naman ng mga hayop ang kanilang pagiging photogenic dahil sa mga nakaaaliw nilang pose habang nagpapaaraw, nakikipaglaro sa isa’t isa sa halamanan, at maging sa mga oras ng kanilang pagtulog at pagkain.

Patuloy na kinahuhumaling sa social media ang ka-cute-an ng mga pusa sa loob ng isang kilalang unibersidad sa Baguio City.

Loading…