Tone-toneladang “unsafe imported goods” winasak ng Bureau of Customs sa NAIA

Imahe mula sa BOC
  • Umabot sa 11.2 tons ng unsafe imported products ang winasak ng BOC-NAIA
  • Kabilang sa mga winasak na produkto ang mga gam0t, kemikal at food products na walang clearance mula sa FDA
  • Para sa taong ito ay umabot na sa 28.1 tons na smuggled goods ang winasak ng BOC-NAIA

Mahigit labing-isang toneladang mga produktong ipinuslit mula sa ibang bansa na kinumpiska ng Bureau of Customs sa Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang winasak noong Sabado, ika-20 ng Hunyo.

Imahe mula sa BOC

Sa pahayag ng BOC-NAIA sa social media page nito, 11.2 tons ng imported goods na itinuturing na hindi ligtas para ikonsumo ng mga tao ang sinunog gamit ang Thermal Decomposer ng Integrated Waste Management, Inc.

Layunin ng ginawang pagwasak sa mga produkto na mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mamamayan at upang mabawasan na rin ang mga overstaying shipments sa storage facilities ng ahensya.

Ang mga shipments na isinailalim sa condemnation ay kinabibilangan ng mga gam0t, kemikal at food products na walang clearance mula sa Food and Drug Administration (FDA) kaya itinuturing ang mga ito na unfit for human consumption.

Tiniyak ng BOC-NAIA na patuloy nitong susuportahan ang lahat ng direktiba ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

“Bureau of Customs NAIA will continue to protect the borders from illegal goods and support the directives of the Bureau of Customs Commissioner, Rey Leonardo Guerrero, to ensure vigilance in entry of goods without the necessary health permits,” pahayag ng BOC NAIA.

Imahe mula sa BOC

Para sa taong ito ay umabot na sa 28.1 tons ng mga unsafe imported products na walang clearance at permit ang winasak ng BOC-NAIA.

Kabilang dito ang isa at kalahating tonelada ng smuggled items kasama ang 400 kilograms ng Goree beauty products na winasak rin noong nakaraang linggo.

Batay sa FDA Advisory Number 2017-289, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit at distibusyon ng Goree beauty products na natuklasang may mataas na lebel ng toxic mercury na higit sa itinakdang limit ng ahensya.

Imahe mula sa BOC

Loading…