Usapang sawsawan: Gaano karaming sili ang trip mong ilagay kapag gumagawa ka ng toyomansi?

  • Maraming netizens ang natakam sa larawan ng isang pamosong Pinoy sawsawan—ang toyomansi
  • Pero mas natakam ang marami, lalo na ang mahihilig sa maanghang, dahil sa napakaraming sili na nakalagay sa sawsawan
  • Ayon sa netizens, mas ginaganahan daw silang kumain kapag ganito ang sawsawan kahit simple lang ang ulam

Maraming lutuing Pilipino ang talaga namang nakilala dahil sa kapares na sawsawan. Nariyan ang lutuing nilaga at sinigang na ang perfect partner ay ang patis na may kalamansi. Lalo namang pinasasarap ng bagoong ang mangga at kare-kare. Siyempre, kung prito o inihaw ang lutuin, ang perfect na sawsawan niyan ay ang toyo at kalamansi o mas kilala bilang toyomansi.

Pero para sa mga Pinoy na mas gustong ipa-level up ang kanilang pagkain, ang mga simpleng sawsawan ay nilalagyan pa ng isang pampalas na magbibigay sipa sa bawat sawsaw. Sa Facebook page na Flex, literal nilang na-flex ang toyomansi na nilagyan ng napakaraming sili.

Larawan mula sa Facebook page na Flex

Ayon sa post, ito raw ang maituturing nilang all time the best sawsawan dahil literal na pinisatan ng napakaraming sili ang toyo at kalamansi. Nag-uumapaw din ang sawsawan dahil napuno nito ang isang plato.

Para sa mga sili at toyomansi l0vers, talaga namang nakaaakit at nakatatakam ang larawang ito. Nagkaroon kasi ng kulay at buhay ang noon ay plain lamang na sawsawang toyo at kalamansi. Perfect daw itong pampagana sa pagkain at lalong sasarap ang kanilang kain, gaano man kasimple o kaespesyal ang ulam na isasawsaw dito.

Dahil maraming natakam at ginanahan sa post, umani ang larawan ng 10,000 reactions na karamihan ay ‘l0ve,’ 2,500 comments, at 68,000 shares. Kanya-kanya ring pagbabahagi ang mga netizen sa kung saan nila ipinapares ang toyomansi na may sili para mas mapasarap ang kanilang kain.

Sabi ng ilan, literal daw na gusto nilang mag-ihaw ngayon ng manok, isda, at porkchop dahil sa larawan. The best daw kasi itong isawsaw sa toyo, kalamansi, at napakaraming sili. Ang iba naman ay mga fan ng gulay at prutas tulad ng nilagang talbos, talong, okra, at maging mangga ang perfect na ipares sa toyomansi.

Larawan mula sa Freepik

Ang iba namang ilag sa sili, sabi ay sawsawan daw ito ng mga madadamot. Parang ayaw daw kasing magpasawsaw sa iba kaya nilagyan ng pagkarami-raming sili. LOL Biro naman ng ilan, puwede na raw tawagin ang sawsawan na’ sili na nilagyan ng kaunting toyo at kalamansi’.

Magiliw namang nai-tag ng ilang netizens ang kilala nilang sili l0vers. Ang iba nga raw, ginagawa pang sabaw ang sawsawan para kahit ang kanin nila ay may lasa. Payo naman ng ilan, hinay-hinay lang sa pagkain ng maanghang dahil maaari itong mag-trigger ng labis na acid sa tiyan.

Ikaw, paborito mo rin ba ang toyomansi at sandamakmak na sili?

Loading…