VP Leni nanawagan ng tulong para sa pagbuo ng mga kagamitang panturo sa online class

  • May proyekto si VP Leni at iba pang mga volunteers para sa online classes
  • Nanawagan siya ng donasyon sa mga nagnanais na magpaabot ng pinansiyal na tulong upang mabilhan ng mga devices at equipment ang mga mag-aaral at guro sa pagsasakatuparan ng distance learning
  • Tumatanggap din sila ng mga extrang electronic devices na hindi na nagagamit

Nanawagan ng tulong si Vice President Leni Robredo sa publiko upang maisulong ang kaniyang adhikain upang matulungan ang mga guro at mag–aaral na magkaroon ng mga makabagong devices na magagamit sa distance learning, batay na rin sa hinihingi ng “New Normal.”

Ayon sa Facebook post ni VP Leni, layunin ng kanilang proyekto na makapangalap ng mga donasyon upang makabili ng mga device at equipment na magagamit ng mga guro at mag-aaral sa kanilang online class. Tinawag nila itong “Bayanihan para sa Distance Learning.”

Imahe mula sa Facebook account ni VP Leni Robredo

“Bilang suporta sa ating mga mag-aaral, guro, at eskwelahan, inilulunsad ng ating #AngatBuhay partner na Kaya Natin! Movement for Good Governance and Ethical Leadership ang donation drive para sa mga device at equipment na magagamit sa Distance Learning sa gitna ng COVID-19 crisis,” ayon sa caption.

Dagdag pa, “Ang mga extra ninyong electronic device gaya ng smartphone, tablet, laptop, at desktop computer ay titipunin at ihahanda para magamit ng mga mag-aaral at guro. Kahit hindi na bago ang gamit, maaari pa ring makatulong nang malaki sa mga eskwelahan at komunidad na nangangailangan.”

Bukod sa pinansiyal na aspeto, tumatanggap din sila ng donasyong mga equipment na magagamit ng mga guro at paaralan para sa iba’t ibang paraan ng pagtuturo.

“Sa gitna ng krisis na ito, paulit-ulit na nating napatunayan ang lakas ng ating sama-samang pagkilos. Umaasa po kami sa inyong muling pagsuporta—para sa kabataan, para sa mga guro, at para sa mas magandang kinabukasan na ating inaasam sa pamamagitan ng mabuting edukasyon,” huling mensahe ng Pangalawang Pangulo.

Bukas rin ang kanilang mga proyekto para sa mga volunteers at partners na nais ibahagi nang libre ang kanilang mga technical skills, sa pamamagitan ng pag-check sa mga donasyong device at equipment at pagtiyak  na ready for use na ang mga ito.

Imahe mula sa Facebook account ni VP Leni Robredo

Para sa mga nagnanais magpaabot ng kanilang mga donasyon, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa opisyal na Facebook account ni VP Leni.

Loading…