Wala pang “new normal” na magaganap; lahat ng lugar sa bansa may community quarantine pa rin

Screenshot mula sa video ni Carlo Ople
  • “New normal” pansamantalang inalis sa community quarantine classification
  • Sinabi ni Harry Roque na wala munang lugar sa bansa na ilalagay sa “new normal”
  • Apat na level ng community quarantine lang ang ipatutupad – ECQ, MECQ, GCQ at MGCQ

Taliwas sa naunang pahayag na ginawa ni Secretary Eduardo Año halos dalawang linggo na ang nakararaan na sa July ay posibleng magdeklara na ng “new normal” sa mga itinuturing na “low risk areas,” inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na wala munang new normal na idedeklara sa bansa.

Imahe mula sa PCOO

Nagpahayag si Roque, na nagsisilbi ring tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases, na tinanggal ng task force ang “new normal” sa ginawa nitong pagbabago sa klasipikasyon ng mga community quarantine.

Ang new normal ay isang community quarantine classification na tumutukoy sa bagong mga ugali, mga situwasyon at minimum health standards na dapat makasanayan habang wala pang malawakang pagbabakuna na makapupuksa sa COVID-19.

Sa ilalim nito ay wala nang travel at business restrictions basta patuloy na sasanayin ang minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face masks, physical distancing, madalas na paghuhugas ng kamay at iba pa.

Sa Resolution No. 48 na inilabas ng IATF, magkakaroon sa bansa ng apat na level ng community quarantine – ang pinakaistriktong enhanced community quarantine (ECQ), modified ECQ, general community quarantine (GCQ), at modified GCQ.

Imahe mula sa One news

“Sa ngayon po ay wala munang new normal. Ibig sabihin, lahat ng lugar sa Pilipinas ay mayroon pa rin pong community quarantine. So, iyan po iyong pinakapagbabago doon sa inaprubahang parameters,” pahayag ni Roque noong Martes, ika-23 ng Hunyo, sa isang press briefing.

“Pero pareho pa rin po ang basehan niyan – case doubling time, critical care utilization at tinitingnan din po iyong ekonomiya, “ dagdag pa ni Roque. [But our basis remains the same — case doubling time.]

Ang mga high-risk areas o mga lugar na mabilis pa rin ang pagdami ng mga COVID-19 cases ay isasailalim sa ECQ o kaya ay sa modified ECQ. Ang mga moderate-risk areas ay ilalagay sa GCQ at ang low-risk areas ay isasailalim sa modified GCQ. Inaasahang ipatutupad ang mga pagbabago sa community quarantine classification sa July 1.

Imahe mula sa PNA

Samantala, hinamon ni Roque ang publiko na patunayang mali ang prediksyon ng mga researchers mula sa University of the Philippines na aabot sa 40,000 ang COVID-19 cases sa bansa pagdating ng June 30.

“Let us not allow the number of cases to reach 40,000 after the month of June. That is a challenge. I hope everyone will accept this challenge,” aniya.

Upang magawa ito ay hinikayat niya ang lahat na sundin ang mga ipinatutupad na public health measures at hangga’t maaari ay manatili na lamang sa loob ng mga tahanan.

As of 4 p.m. ng July 24, 2020, mayroon nang 32,295 COVID-19 cases sa bansa.

Imahe mula sa DOH

Loading…