Walang internet: ‘Piston 6’ nakakulong pa rin dahil ‘di umabot ang papeles

Imahe mula sa PISTON Facebook page
  • Nananatiling nakakulong pa rin ang ‘Piston 6’ ilang araw matapos maaresto
  • Ito ay dahil nabigong makapagpiyansa ang kanilang abogado
  • Isinisi naman ng abogado sa kawalan ng internet sa COC ang kanilang kabiguan

MAYNILA, Pilipinas – Nananatiling nasa bilangguan ang anim na tsuper na naaresto kamakailan sa lungsod ng Kalookan dahil sa kabiguang makapagpiyansa nitong Hunyo 5.

Isinisi naman ng abugado ng grupo sa kawalan ng internet sa clerk-of-court ng Kalookan ang kanilang kabiguang mapalaya ang tinaguriang ‘Piston 6’.

Ayon sa ibinahagi ni Atty. VJ Topacio sa kaniyang Facebook account, alas-8 pa lang nang umaga ay pumunta na agad siya prosecutor’s office ng Kalookan para alamin kung lumabas na ang resolusyon ng kaso.

Screenshot mula sa Facebook post ni Atty. VJ Topacio

Makalipas ang ilang oras na paghihintay, napag-alaman niya umanong mayroon nang resolusyon at naipadala na ito sa clerk-of-court (COC) ng lungsod sa pamamagitan ng email.

Ngunit sa kasamaaang-palad, wala umanong internet connection sa opisina ng COC kaya hindi nito matanggap ang naturang email.

Pasado alas-4 na umano ay hindi pa naibabalik ang internet sa opisina ng COC bagama’t sinigurado na raw ng Northern Police District na lumabas na ang resolusyon at naipadala na ito.

Sa madaling sabi, inabutan na siya ng alas-5 subalit walang resolusyong maipakita para sana ay makapagpiyansa na ang mga drayber.

Screenshot mula sa Facebook post ni Atty. VJ Topacio

Ang ‘Piston 6’ ay kinabibilangan nina Reuben Baylon, Wilson Ramilla, Elmer Cordero, Severino Ramos, Ramon Paloma, at Arsenio Ymas Jr. Sila ay naaresto noong ika-2 ng Hunyo matapos magprotesta sa kalsada para hilingin ang pagbabalik-operasyon ng mga dyipni sa Metro Manila.

Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay Topacio, sinabi nito na nakalikom na sana sila ng kabuuang P18,000 para sa piyansa ng anim na tsuper o P3,000 bawat isa.  Ang halaga umano ay mga donasyon mula sa mga nagpahayag ng suporta sa grupo.

Nakakita na rin  ng ‘probable cause’ ang piskal at ‘simple disobedience’ lamang ang posibleng isampang kaso laban sa ‘Piston 6’, ayon kay Topacio.

Magugunitang dinampot ng mga pulis ang ‘Piston 6’ dahil umano sa paglabag sa ‘social distancing’ sa kalsada at ‘resisting to persons in authority’.

Loading…