Walang mahirap sa taong may pangarap: Jollibee service crew nakapagtapos ng Industrial Engineering sa DLSU

  • Sa sipag at tiyaga ay naabot ng isang Jollibee service crew ang kanyang pangarap na college diploma
  • Sa kabila ng mga pagsubok, si Israel C. Mabiling ay nakapagtapos ng BS Industrial Engineering sa DLSU Lipa
  • Naniniwala siya na walang mahirap sa taong may pangarap

Sa isang estudyanteng may pangarap, hindi naging hadlang ang kahirapan upang maabot ang mga pangarap. Dahil sa sipag at tiyaga, si Israel Cuasay Mabiling ay nakapagtapos ng BS Industrial Engineering sa De La Salle University (DLSU) Lipa.

Imahe mula sa Facebook account ni Israel Cuasay Mabiling

Sa kanyang social media account, ibinahagi ni Israel ang mga karanasang hindi malilimutan bilang working student bago nakamit ang pinakamimithing college diploma. Mahigit apat na taon siyang kumayod bilang service crew sa Jollibee sa loob ng isang shopping mall sa Lipa, Batangas

Kasabay ng pagiging service crew ay nagsilbi rin siyang working scholar sa DLSU Lipa kung saan naglilinis siya ng ilang classrooms pagkatapos ng kanyang klase .

“Naglilinis po ako ng ilang classrooms sa school. Then, right after po, diretso work naman po as service crew. “I chose to have 2 jobs simultaneously since alam ko naman po sa sarili ko na kaya ko at kakayanin ko,” sabi ni Israel sa panayam sa kanya ng ABS-CBN.

Si Israel ay pangatlo sa anim na magkakapatid na pilit itinataguyod ng inang mananahi na hiwalay na sa kanilang ama.

Kwento ni Israel, naging inspirasyon niya ang magulang at ang mga customers niya sa Jollibee upang malampasan ang mga pagsubok. Anumang pagod daw sa trabaho ay napapawi sa simpleng “thank you” at ngiti mula sa mga pinagsilbihang customers.

Imahe mula sa Facebook account ni Israel Cuasay Mabiling

“Although, part po talaga ang hardships and struggles. Pero, napakarami ko pong inspirasyon sa araw-araw. ‘Yun po ay ang aking magulang at mga customers ng Jollibee SM Lipa,” aniya.

Gusto na niyang makapagtrabaho bilang isang inhinyero, subalit habang hindi pa dumarating ang oportunidad na iyon ay mananatili muna siyang service crew.

Isang payo ang ibinigay si Israel sa mga katulad niyang working students —  huwag susuko.

“Para po sa mga katulad kong nagtatrabaho kasabay ng pag-aaral, ‘wag susuko sa mga challenges and struggles sa araw-araw. Sa halip, ito ay gawing inspirasyon at lakas para maging matagumpay sa buhay,” payo niya.

“I learned from the best na, ‘You will only fail, once you give up’. Walang mahirap sa taong may pangarap,” sabi pa ni Engineer Israel.

Imahe mula sa Facebook account ni Israel Cuasay Mabiling

Loading…