Young artist, hinikayat ang publiko na magpagawa ng artwork sa kaniya bilang tulong sa masipag na ina

  • Ibinahagi ng isang young freelance artists ang kaniyang mga artworks sa social media
  • Hinikayat niya ang lahat na magpagawa ng artwork sa kaniya upang matulungan ang inang naglalako ng puto
  • Bata pa lamang ang artist ay masasabing may angking kakayahan na siya sa pagguhit

Isa sa mga lubusang naapektuhan ng COVID-19 pandemic at pagpapatupad ng community quarantines ang mga naglalako ng iba’t ibang paninda bilang kabuhayan. Ipinagbawal kasi ang paglabas ng mga tao sa kani-kanilang tahanan upang mapigilan ang paglaganap ng virus.

Kaya naman, isang college student at young freelance artist na nagngangalang “Janel Monares” ang naglunsad ng isang proyekto upang matulungan ang kaniyang masipag na inang nagtitinda ng puto upang masuportahan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ibinahagi niya ito sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Janel Jimenez Monares

“Due to this pandemic, my mother can’t apply for a job so she is selling steamed rice cakes (puto) to at least have money for our everyday expenses. Everyday, she’s waking up too early in the morning to cook and sell it near our place,” panimula ng kaniyang post.

Sa pagpapatuloy, “My siblings have their own family (and my father was already dead) so me and my mother have to have money to pay bills and to provide for our basic needs. Actually, I tried to apply for some jobs online but unfortunately, I didn’t get one. So, I decided to accept commission to help my mother and to save money for my studies.”

Hinikayat niya ang mga kakilala at publiko na suportahan ang kaniyang mga artwork sa pamamagitan ng pagbili ng mga ito. Sa pamamagitan nito, matutulungan niya ang kaniyang ina at masusuportahan pa ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo, lalo pa’t online na ang mode of learning ngayon sa kanilang pamantasan.

“I do traditional (portrait or calligraphy name or quote) and digital (portrait) arts. Price depends on the reference but here’s my usual rates,” aniya.

Imahe mula sa Facebook account ni Janel Jimenez Monares

Ibinahagi rin ng young artist ang kaniyang commissioned portraits at artworks, na karamihan ay mga sikat na local at international artists, singers, mga karakter sa pelikula, asiannovelas, at iba’t ibang mga pribadong indibidwal na nagpaguhit sa kaniya.

Si Janel ay 20 taong gulang at college student ng Bachelor of Secondary Education major in English sa isang state university sa Caloocan City. Third year college na siya sa nalalapit na pasukan at tiyak na makatutulong sa kaniyang pag-aaral ang anumang halagang mapagbebentahan ng kaniyang mga artwork.

“Nakahiligan ko pong mag-drawing ng simpleng cartoons at anime noong Grade 4 po ako. Sumasali po ako ng poster making contest pero madalas natatalo. Pero noong 2016 po, napasali po ako sa FB group na ‘Guhit Pinas’ at nakita ko po ang mga portrait ng mga artist doon, na-inspire po akong gumuhit ng portrait at agad ko naman pong natutunan,” salaysay ni Janel.

Upang magawa ang kaniyang artwork, ang kaniyang mga kagamitan ay graphite pencils, colored pencils, markers, watercolors, at vellum board o kaya naman ay watercolor paper.

Imahe mula sa Facebook account ni Janel Jimenez Monares

Nag-iwan din siya ng mensahe para sa mga kapwa niya mag-aaral na nakararanas ng “uncertainty” sa panahon ngayon ng pandemya. Hinikayat niya silang huwag pa ring titigil sa pagtupad ng kanilang mga pangarap at gumawa ng mga paraan upang makamtan pa rin ito.

“Masyado nang maraming nangyayari sa bansa o mundo natin. Bilang isang mag-aaral na nakararanas ng stress dahil sa pandemyang ito, pilit ko pong nilalabanan ito sa paggawa ng mga bagay na nakapagpapasaya sa akin, tulad ng pagguhit. Patuloy lang ang paglaban sa buhay. Kapag may pangarap kang nais mo talagang makamit, gagawa ka ng paraan para mapagtagumpayan mo ang ano mang balakid,” mensahe niya.

Sa mga nagnanais na magpagawa ng artwork kay Janel, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa kaniya sa pamamagitan ng kaniyang Facebook account.

Ipagpatuloy mo lamang ang iyong pagpupursigi at pagkamit ng iyong mga pangarap, Janel!

Loading…