100 years old na lolo na nakalikom ng $41 million para sa frontliners ginawang knight ni Queen Elizabeth II

Screenshot mula sa video ng ITV News
  • Kinilala ni Queen Elizabeth II ang nagawang kabutihan ni Capt. Tom Moore at ginawa niya itong isang knight
  • Dahil sa edad na 100 ay hindi na pinaluhod sa harap ng reyna si Capt. Tom
  • Nakalikom ng mahigit $41 million si Capt. Tom para sa healthcare frontliners sa pamamagitan ng pag-ikot ng 100 beses sa kanyang hardin

Kinilala ni Queen Elizabeth II ng United Kingdom ang kabutihang nagawa ng isang 100-year old na beterano ng WWII at ginawa niya itong isang knight.

Screenshot mula sa video ng ITV News

Napuno ng emosyon ang araw ng Biyernes, ika-17 ng Hulyo, nang idampi ni Queen Elizabeth II ang espada na dating pag-aari ng kanyang ama sa balikat ni Tom Moore at ginawa itong isang knight. Dahil sa kanyang edad ay hindi na kinailangang lumuhod sa harap ng reyna ang matandang beterano.

Ginamit ni Capt. Tom ang kanyang sikat-na-ngayong walker upang unti-unting lumapit at tumayo sa harap ng reyna para sa isinagawang accolade para sa kanya.

Isinagawa ang seremonya ng knighthood ni Tom Moore, na naabot ang ranggong Captain noong panahon ng WWII, sa labas ng Windsor Castle kung saan nananatili ang 94-year-old na reyna habang may COVID-19 pandemic kasama ang asawa – ang Duke of Edinburgh.

Halos walang pagsidlan ang kasiyahan ang naramdaman ni Capt. Tom sa parangal na natanggap.

“I have been overwhelmed by the many honors I have received over the past weeks, but there is simply nothing that can compare to this. I am overwhelmed with pride and joy,” aniya matapos ang seremonya.

Screenshot mula sa video ng ITV News

Si Capt. Tom ay itinuturing ngayong isang bayani sa United Kingdom matapos niyang makalikom ng malaking pondo para sa mga health frontliners.

Bilang pagdiriwang sa kanyang ika-100 na kaarawan, sinabi ni Capt. Tom na iikutin niya, gamit ang kanyang walker, ang malawak nilang hardin sa Marston Moretaine, Bedforshire nang 100 beses o isang lap kada taon ng kanyang edad.

Sinimulan niya ang unang lap noong April 6, 2020 at natapos ang 100th lap sa araw ng kanyang 100th birthday noong April 30, 2020.

Screenshot mula sa video ng ITV News

Ginawa itong challenge ng kanyang mga kaanak. Ginamit nila ang social media at hashtag na #TommorowWillBeAGood Day upang makalikom ng donasyon para sa health workers na nakikipagbuno sa COVID-19. Bahagi na rin ito ng pasasalamat ni Capt. Tom sa mga doctor at nurses na nag-alaga sa kanya noong napilayan siya sa balakang.

Target ni Capt. Tom na makalikom ng 1,000 pounds pero higit pa roon ang nagawa niya. Nakalikom siya ng 33 million pounds o katumbas ng mahigit $41 million.

Loading…