2 empleyado ng Immigration sibak sa ‘pamemeke’ ng rekord ng Wirecard COO

Imahe via Immigration
  • 2 empleyado ng BI sangkot umano sa pamemeke ng rekord ng Wirecard COO
  • Tinanggal na sa puwesto ang naturang mga empleyado
  • Iniimbestigahan na rin kung mayroon pang ibang sangkot sa kontrobersiya

Tinanggal na sa puwesto ang dalawang empleyado na pinaniniwalaang sangkot sa pamemeke ng Immigration record ng COO ng Wirecard; ito ang ibinahagi ni Justice Secretary Menardo Guevarra nitong Linggo.

Ayon kay Guevarra, ang isang empleyado ay nakatalaga sa Mactan Cebu International Airport (MCIA) habang ang isa naman ay sa punong tanggapan mismo ng Bureua of Immigration.

Imahe via Facebook BI

Matatandaang lumabas sa imbestigasyon na mayroong rekord si Jan Marsalek, dating COO ng Wirecard AG, sa Immigration na dumating ito sa bansa ito noong Hunyo 23 at umalis naman kaagad patungong China sakay ng isang flight mula Cebu International Airport.

Subalit base sa database ng BI, walang flight patungong China noong Hunyo 24. Hindi rin umano nakita si Marsalek sa mga CCTV ng airport noong Hunyo 23 at wala rin ang pangalan nito sa airline manifest.

Patunay lamang daw ito na huwad at pineke ang rekord ng pagdating at pag-alis ni Marsalek sa Pilipinas.

Inaalam na rin ng mga awtoridad kung may ibang sangkot na empleyado sa nasabing kontrobersiya upang papanagutin ang mga ito.

Imahe mula sa DW

“We’ll find out if other persons were involved, as well as their motives,  once the work of the BI fact-finding committee is completed,” ani Guevarra.

Nilinaw naman ng kalihim na hindi pa tuluyang tinanggal sa trabaho ang dalawang empleyado subalit inalis lamang ito sa puwesto at inilipat sa ibang unit habang patuloy pa ang imbestigasyon.

“Once the fact-finding report shows culpability, the appropriate sanctions will be imposed,” dagdag pa ni Guevarra.

Nauna nang isiniwalat ng Department of Justice (DOJ) na dumating dati sa bansa si Marsalek noong Marso 3 at umalis noong Marso 5.

Isinasangkot din ang dalawang lokal na bangko sa nawawalang $2.1-B na pondo ng Wirecard subalit pinabulaanan na ito pareho ng BPI at BDO.

Loading…