3 nurse na isang linggong ikinulong sa kanilang condo unit ng building officials, nagreklamo sa NBI

Imahe mula sa NBI
  • Tatlong nurse isang linggong ikinulong sa kanilang condo unit sa Quezon City
  • Hindi pinayagan ng admin ng condominium ang tatlong nurse na nagkaroon ng exposure sa COVID-19 na makalabas sa kanilang unit
  • Ito ay sa kabila ng lagpas na sila sa quarantine period at negatibo ang resulta ng kanilang swab test

Pitong araw na hindi pinayagang makalabas ng property manager at guwardiya ng isang condominium tower ang tatlong nurse mula sa kanilang tinutuluyang condo unit dahil sa naging exposure nila sa COVID-19.

Imahe mula sa Victoria Condos

Sa kabila ng pagpapakita nila ng medical certificate na nagsasabing negatibo sila sa COVID-19 at maaari na silang makabalik sa kanilang trabaho ay pinigilan pa rin silang makalabas ng kanilang kuwarto.

Dahil dito ay nagsampa na ng reklamong serious illegal detention sa National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong nurse.

Kabilang sa kinasuhan si Mel Tosco na Property Manager/Administrative Head ng Victoria Towers Condominium sa Quezon City; Napoleon Briñas,  Head, Security Management ng San Jose Builders Inc. (SJBI); Atty. Jerich Jucaban, Vice-President ng SJBI; Security Guard na si Sadat Macabanding at limang iba pa.

Ayon sa NBI Special Action Unit, nang makatanggap sila ng tawag mula sa tatlong nurse ay agad silang nagtungo sa condominium upang tulungan ang tatlo, ngunit nanindigan ang admin na hindi pa rin sila palabasin dahil kailangan pa raw ng clearance mula sa barangay.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Sinabi naman ng barangay na hindi na kailangan ang clearance mula sa kanila.

Nagpasya ang mga operatiba ng NBI na umakyat na sa 9th floor ng building upang iligtas ang tatlong nurse.

“Hindi makatao ang ginawa nila sa amin, tinrato kaming parang kriminal,” ayon sa isang nurse na nasagip.

Ayon naman sa isa pang nurse, nagkaroon sila ng exposure sa COVID-19 ngunit tapos na raw at lagpas-lagpas na sila sa quarantine period at ang resulta ng kanilang swab test ay negatibo.

“Pinakita ko ‘yung certificate, pero ayaw nila makinig sa amin at wala silang mapakitang policy,” anang nurse.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Labag umano sa karapatan ng mga nurse ang ginawa ng admin ng condo, ayon sa NBI.

“Meron din kasing threat from the condo na pag umalis sila sa condo eh hindi na sila makakabalik. Iyong mga frontliners na nakaranas ng discrimination, may mga karapatan kayo na dapat ini-insist, at dapat naga-guide ang LGU,” paliwanag ni Kristine dela Cruz, executive officer ng NBI Special Action.

Ang property manager ng condominium ay dinakip ng NBI. Ang security guard naman ay nakatakas.

Bukod sa serious illegal detention, haharap din sila sa kasong paglabag sa ordinansa ng Quezon City na nagbabawal sa diskriminasyon sa mga frontliners.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Loading…