8 senador, 50 kongresista lamang ang papayagang dumalo sa SONA 2020

SONA 2019| Imahe mula sa RTVM-YT
  • Piling senador at kongresista lamang ang makadadalo sa 2020 SONA
  • Hindi pa tiyak kung may iimbitahang personalidad mula sa diplomatic at business community
  • Hindi rin daw sigurado kung personal na magbibigay ng talumpati ang Pangulo

Piling mambabatas lamang ang maaaring makadalo sa darating na state of the nation address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na gaganapin sa huling linggo nitong buwan.

Ayon kay Sendor Nancy Binay, sa ika-15 ng Hulyo pa nila malalaman kung sino sa kanila ang maiimbitahan para personal na panoorin ang Pangulo. Hindi rin umano sigurado kung may inimbitahang miyembro ng diplomatic community at mga kilalang negosyante tulad ng dating nakagawian.

Ang Palasyo din daw ang nakatakdang magbigay ng protocol na susundin sa SONA upang maiwasang magkahawaan ng coronavirus.

Sen. Nancy Binay| Imahe mula sa Facebook

“Malacanang ang magtatakda ng protocol saka 50 kongresista at 8 senador lang ang pinayagang dumalo. Yan ang huling napag-usapan bago mag-adjourn ang Senado,” ani Binay.

Pinaalalahanan na rin ni Senate President Vicente Sotto III ang lahat ng senador na Hulyo 24 ang pagbubukas ng session sa Mataas na Kapulungan at limitado rin ang makadadalong opisyal at empleyado.

“Iyong hindi makadadalo sa SONA, pinag-oonline lang, saka apat lang sa secretariat ang makadadalo,” patuloy pa ng senadora.

Samantala, kinumpirma ni Presidential Spokesperson na naghahanda na ang Palasyo para sa darating na SONA at iilang opisyal ng gobyerno lang ang makadadalo sa Batasang Pambansa.

SONA 2019| Imahe mula sa RTVM-YT

“It will not be the same SONA that we’re used to. Siyempre po wala na iyong madamihang opisyales na mag-aattend, wala nang fashion show na pagandahan ng suot. Tingin ko po kakaunti lang ang mag-aassemble sa Kongreso,” wika ni Roque.

Hindi pa rin umano tiyak sa ngayon kung personal na magbibigay ng talumpati ang Pangulo o online na lamang ito gagawin.

Ang SONA ng Pangulo ng Pilipinas ay itinakda ng Saligang Batas kada ikaapat ng Lunes ng Hulyo. Para sa taong ito, ito ay matatapat sa Hulyo 27.

Loading…