Angel ipinablotter ng seller na ‘inorderan’ ng alcohol; Bea at Dimples ‘nadamay’

Imahe screenshot mula sa Instagram
  • Inireklamo si Angel Locsin ng isang online seller
  • Nadamay din sa isyu ang mga aktres na sina Bea Alonzo at Dimples Romana
  • Lumalabas na na-scam ang seller ng isang tao na gumamit sa pangalan ng aktres

Nagulat na lang si Angel Locsin nang malamang ipina-blotter na pala siya ng isang online seller dahil diumano sa hindi nabayarang order ng alcohol.

Sa Instagram lang nalaman ng aktres na inireklamo siya ng isang netizen na gumagamit ng handle na miracle.baluyot dalawang araw na ang nakararaan.

Imahe screenshot mula Instagram

Sa isang post sa Instagram ni Angel bilang suporta sa Kapamilya network, biglang nag-comment ang seller: “Ung alcohol po na inorder nyo po.. Pls pkikuha nyo na po.. Pls lng.. Ndi po tau ngbbiruan dito.. Pagod at puhunan po ang ginastos nmin dito.”

Base sa sunod-sunod na komento ni miracle.baluyot, desperado itong masingil ang aktres dahil umarkila pa sila ng sasakyan at marami na umanong napeperwisyo dahil sa nasabing order na hindi naman kinuha ni Angel.

Nang sumagot si Angel, itinanggi nitong umorder siya ng alcohol sa seller.

Imahe screenshot mula sa Instagram

“Sorry wala po akong inoorderan ng alcohol dahil direkta po akong bumibili sa factory ng Rhea bilang endorser po ako at nakakakuha ng discount,” sagot ng aktres.

Subalit mapilit pa rin ang seller: “(Hi)ndi po tau ngbibiruan pls.. Pki tingnan po ung dm ko..”

“Hindi or super bihira lang po akong magbasa sa dm. Sorry po pero wala po talaga akong order sa inyo mam,” sagot naman ni Angle.

Hinala ng mga netizens na nakabasa ng komento ng seller na na-scam ito ng isang tao na gumagamit ng pangalan ni Angel Locsin. Umabot daw sa 1300 gallons ng alcohol ang inorder sa kaniya na hindi naman kinuha.

At ang masama pa, nadamay din ang mga aktres na sina Bea Alonzo at Dimples Romana dahil sila umano ang pinakiusapan ni Angel na kunin ang order.

Imahe screenshot mula sa Instagram

Hinimok ng Kapamilya aktres na irepost ng seller ang usapan nila upang hindi na ito makapanloko dahil sigurado umano ito na hindi siya ang nakausap ng seller.

Ganun pa man, naireklamo na umano ni miracle.baluyot sa barangay at naipa-blotter na rin ito sa pulis sa Quezon City.

“Nagpablotter na kami kc no choice na kami. Ung nakalagay mismo sa text un naka-blotter. Sabi niya ndi siya un. Ok pro un ang way namin para malaman ng mga tauhan namin na naloko kami. Naghintay kami sa wala at least nagawan ng aksiyon. Para hindi na tularan,” wika pa ng seller.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni Angel Locsin tungkol dito.

Loading…