Anne Curtis nananatiling “most followed Filipino celebrity on Instagram”

  • Most followed Filipino celebrity on Instagram pa rin si Anne Curtis-Heussaff
  • Pinasalamatan niya sa kaniyang post ang 15 million followers
  • Ibinalita rin niya ang unti-unting pagtayo ng kanilang unica hija ni Erwan na si Dahlia Amélie

Napanatili ng TV host-actress na si Anne Curtis-Heussaff ang kaniyang estado bilang “most followed Filipino celebrity on Instagram” sa kabila ng saglit na pananahimik sa limelight simula nang magsilang sa first baby nila ng mister na si Erwan Heussaff, pansamantalang pagpapatigil sa “It’s Showtime” dahil sa ECQ, at nitong huli ay pagpapatigil sa operasyon ng ABS-CBN na kaniyang mother network.

Batay sa Instagram post ni Anne nitong Sabago, Hulyo 25, 2020, pinasalamatan niya ang kaniyang mga Instagram followers na umabot lamang naman ng 15 milyon. Inilakip niya ang larawan nila ng kaniyang unica hija na si “Dahlia Amélie” habang sila ay may “milk picnic” sa kanilang bakuran.

Imahe mula sa Instagram account ni Anne Curtis

“Having a backyard milk picnic with my little prairie doll to celebrate some milestones. Sending out 15 MILLION thank you’s to my Instagram fam,” ayon sa aktres.

Matapos magpasalamat sa kaniyang mga followers, ibinalita rin niya ang unti-unting pagtayo ni Dahlia.

“Thank you for all the love as I share bits and pieces of my life with you- like how my darling Dahlia can now stand tall on her little legs with a bit of help from her mumma. Big kisses! Sending out love and light to all of you! Happy Weekend.”

Nagpaabot naman ng kani-kanilang pagbati ang mga kaibigan at kasamahan niya sa showbiz tulad nina Bea Alonzo, Mariel Rodriguez-Padilla, Heart Evangelista, Raymond Gutierrez, Marc Nelson, Luis Manzano, Rachelle Anne Go, Hayden Kho, Ina Raymundo, at Angel Locsin.

Dahil na rin sa travel ban dulot ng COVID-19, nananatili si Anne at ang kaniyang pamilya sa Australia bilang bahagi na rin ng kaniyang maternity leave, at dahil na rin sa mga dagok na naranasan ng kaniyang mother network sa nakalipas na mga buwan. Bagama’t malayo, ipinakita ni Anne ang pagsuporta sa ABS-CBN sa pamamagitan ng kaniyang mga social media posts.

Imahe mula sa Instagram account ni Anne Curtis

Loading…