Ano nga ba ang batas na kailangang sundin at igalang sa pag-awit ng “Lupang Hinirang?”

  • Paano nga ba maipapakita ang paggalang sa pag-awit ng “Lupang Hinirang?”
  • Ang Lupang Hinirang ay pambansang awit ng Republika ng Pilipinas
  • Ang Republic Act 8491, na kilala rin bilang “Flag and Heraldic Code of the Philippines,” ay batas na naglalayong mapaigting pa ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng paggalang sa mga pambansang simbolo sa bansa

“Lupa ng araw ng luwalhati’t pagsinta, Buhay ay langit sa piling mo. Aming ligaya na pag may mang-aapi, Ang mamatay nang dahil sa iyo.”

Ang mga linyang iyan ay mula sa pambansang awit ng Republika ng Pilipinas na pinamagatang “Lupang Hinirang” (na madalas ay naipagkakamaling ‘Bayang Magiliw’). Isa ito sa mga kinikilala ng Konstitusyon bilang pambansang simbolo ng bansa, kasama ng pambansang watawat, pambansang wika, at pambansang bayani. Kaya naman, nararapat itong makatanggap ng paggalang mula sa mga Pilipino sa pamamagitan nang maayos na pag-awit nito.

Public Domain Image

Nitong Hulyo 1, 2020 ay naging kontrobersyal ang kongresistang si Boying Remulla ng Cavite; isa sa mga kilalang representative na nakaupo sa panel ng hearing ukol sa ABS-CBN franchise renewal.

Kitang-kita kasi sa video na habang pumapailanlang ang pambansang awit, si Remulla ay nagsusulat sa kaniyang mesa at pagkaraan ay nag-check ng kaniyang telepono; bagay na sinita ng mga netizens.

Nilikha ng kompositor na si Julian Felipe ang himig nito noong 1898 at ang mga titik ng awit naman ay inangkop mula sa tulang “Filipinas” na isinulat ni Jose Palma sa wikang Kastila noong 1899.

Nagsimula ito bilang isang martsang pang-instrumental sa atas ni Pangulong Emilio Aguinaldo na gamitin sa pagpapahayag ng kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya. Ang unang pangalan nito ay “Marcha Filipina Magdalo” na kalaunan ay naging “Marcha Nacional Filipina” matapos itong italaga bilang pambansang awit ng Unang Republika ng Pilipinas.

Isinalin naman ito sa wikang Ingles mula sa wikang Kastila sa pamamahala ng mga Amerikano noong 1929. Ang pinakatanyag na pagsasalin ay “Philippine Hymn” na nilikha nina Senador Camilo Osias at isang Amerikano na si Mary A. Lane. Ito ang ginawang opisyal na pagsasalin ng Kapulungan ng Pilipinas noong 1938.

Public Domain Image

Ang mga pagsasalin ng pambansang awit sa wikang Tagalog ay isinagawa noong 1940. Ang pinakatanyag sa mga salin na ito ay ang “O Sintang Lupa” na isinulat ni Julian Cruz Balmaceda, Ildefonso Santos at Francisco Caballo. Ito ang naging pambansang awit noong 1948.

Pagkatapos nito, nagbuo naman ng komisyon ang Kalihim ng Edukasyon noon na si Gregorio Hernandez upang baguhin ang mga salitang Tagalog ng pambansang awit noong panunungkulan ni Pangulong Ramon Magsaysay. Naging bunga nito ang pambansang awit na “Lupang Hinirang” na unang inawit noong Mayo 26, 1956. May mga kaunti pang mga pagbabago ang idinagdag noong 1962 na ginagamit hanggang sa kasalukuyan.

Ang Republic Act 8491, na kilala rin bilang “Flag and Heraldic Code of the Philippines,” ay batas na naglalayong mapaigting pa ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng paggalang sa mga pambansang simbolo sa bansa. Inaprubahan naman ng Kongreso ang House Bill 5224 upang matiyak na mas kikilalanin pa ng mga Pilipino ang tamang akto ng kilos at pag-awit ng Lupang Hinirang upang maipakita ang paggalang dito.

“Moreover, any person who, or entity which violates any of the provisions of the Act, shall, upon conviction, be punished by a fine of P50,000 to P100,000, or by imprisonment for not more than one year, or both, at the discretion of the court,” ayon sa inilabas na pahayag ng Kongreso noon hinggil sa Republic Act.

Public Domain Image

Karagdagan, “For any second and additional offenses, both fine and imprisonment shall always be imposed. In case the violation is committed by a juridical person, its President or Chief Executive Officer shall be liable.”

Kapag narinig ng sinuman ang Lupang Hinirang kahit nasaan o ano man ang kaniyang ginagawa, marapat lamang na siya ay tumayo nang tuwid, ilagay ang kanang kamay sa kaliwang dibdib na katapat ng puso, at makisabay sa pag-awit nito.

Noong Setyembre 2018, 34 na moviegoers ang dinakip sa loob ng sinehan sa Lemery, Batangas dahil hindi sila tumayo sa pag-awit ng Lupang Hinirang, na kadalasang pinatutugtog sa last full show.

Loading…