‘Anomalya’ sa Philhealth, pinaiimbestigahan na ng Palasyo

Imahe mula sa Philhealth
  • Pinaiimbestigahan na ni Pang. Duterte ang umano’y kurapsiyon sa Philhealth
  • Hinikayat din ng Palasyo si Atty. Keith na makipagtulungan sa imbestigasyon
  • Itinanggi naman ni Morales ang paratang na malawakang katiwalian sa ahensiya

Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang malalimang imbestigasyon sa diumano’y katiwalian sa Philhealth; ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Biyernes.

Magugunitang ilang opisyal ng Philhealth ang napaulat na nagbitiw sa tungkulin matapos umano ang mainit na pagtatalo ng mga opisyal ng ahensiya sa ginawang Zoom meeting Huwebes nang gabi.

Imahe mula sa Facebook ni Atty. Harry Roque

Isa sa nag-resign ay si Atty. Thorsson Montes Keith, anti-fraud legal officer ng Philhealth, na kumalat pa sa social media ang resignation letter. Dito ay inakusahan ni Keith ng malawakang kurapsiyon ang ilan sa kaniyang mga kasamahan.

Nanawagan naman si Roque sa nagbitiw na opisyal na makipagtulungan sa imbestigasyon upang matigil na ang sinasabi nitong katiwalian.

“Kung hindi niya nagawa habang nasa loob, gawin na niya ngayon at sabihin na niya ang lahat ng nalalaman niya bilang anti-fraud officer,” ani Roque.

Samantala, itinanggi naman ni PhilHealth President at CEO Ricardo Morales ang mga bintang ni Keith. Maaari daw na ganti lamang ito ng abogado matapos tanggihan ang kaniyang promotion.

“Baka ito iyong ganti niya. Parang vengeful, spiteful siya dahil tinanggihan ko siya noon,” ani Morales.

Ricardo Morales| Imahe mula sa PIA

Sa isa pang panayam, hinamon ni Morales si Keith na maglabas ng ebidensiya ng ibinibintang na kurapsyon at huwag nang maghintay hanggang Agosto 31 para magbitiw sa kaniyang tungkulin.

“Gawin na niyang Lunes o ngayon, kasi detrimental na ‘yung ano niya… it would compromise the corporation for him to stay, for him to have access to the resources of the corporation,” hamon ng Philhealth President.

Naglabas din ng pahayag ang Department of Health (DOH) tungkol sa kontrobersiya. Ani Health Secretary Francisco Duque, dismayado siya sa napabalitang katiwalian ng ilang opisyal at kailangan na itong matigil.

“Tama na ang hocus pocus. Maraming Pilipinong may sakit ang umaasa sa tulong na ibinibigay ng PhilHealth. I will ensure that justice will be served to those who defraud the system,” panawagan ng kalihim.

Loading…