Assets ng pamahalaan na walang pakinabang, handang ibenta ni Pangulong Duterte

Screenshot mula sa RTVM
  • Nakahanda ang pamahalang Duterte na magbenta ng mga ‘non-performing assets’
  • Ito ay sa gitna ng malaking gastusin ng gobyerno para labanan ang epekto ng COVID-19
  • Tugon din ito sa naging panukala ni Senador Imee Marcos na i-dispose na ang mga NPAs

Nakahanda ang administrasyong Duterte na i-dispose ang mga ari-arian ng pamahalaan na hindi naman napakikinabangan ng taumbayan; ito ang tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ginawa ni Roque ang nasabing pahayag bilang tugon sa panukala ni Senador Imee Marcos na ibenta na ang mga ‘non-performing assets’ (NPAs) ng gobyerno upang ipantustos sa lumalaking gastusin sa gitna ng kasalukuyang pandemiya.

Imahe mula sa PNA

“Ulitin ko lang po ang sinabi ng Presidente, talagang ibebenta niya ang lahat kung kinakailangan ng taumbayan,” ani Roque sa ginawang virtual presser nitong Martes.

Kahit na umano tutol sa ganitong plano ang ilang miyembro ng gabinete, hindi raw isinasantabi ng Pangulo ang posibildad na maaari nga itong gawin sa oras ng pangangailangan.

“I know that Secretary Dominguez has expressed a different view but as a Spokesperson, I just have to repeat what the President has said. Iyon po ang sinabi ng Presidente, kung kinakailangan ibenta iyong mga ari-arian na iyan, ibebenta para sa taumbayan, doon na lang po iyon,” paliwanag ni Roque.

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Imee Marcos

Sa panukalang Senate Bill 1646, o ang Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Act na inihain ni Marcos kamakailan, hiniling ng senador sa gobyerno na bumuo ng ‘specialized asset-managing corporation’ upang linisin ang balanse ng mga lending institution sa pamamagitan ng pagsalo sa mga utang na hindi nababayaran at pagkuha sa mga nakatiwangwang na ari-arian.

“Unpaid loans and other non-performing assets are the virus infecting the country’s financial system and will test its resilience in the coming months,” ani Marcos.

Ayon sa pagtataya ng senador, nangangailangan ang pamahalaan ng higit pa sa P140-B na inilaan ng mga economic managers para sa pangalawang stimulus package kontra COVID-19 at ang pagbebenta ng mga NPAs ay isang paraan para matugunan ito.

Loading…