Babala ng Bangko Sentral: Mag-ingat sa “SIM swap scam” upang ‘di malimas ang pera sa bangko

Imahe mula sa BDO
  • BSP, nagbabala tungkol sa bagong modus ng mga fraudster
  • Tinatawag na SIM swap fraud ang bagong paraan ng mga manloloko upang malimas ang inyong pera sa bangko
  • Payo ng BSP, huwag basta-basta maniniwala sa mga natatanggap na email, text o tawag sa mga taong nagpapakilalang representative ng telecommunications company na nag-aalok ng SIM upgrade

Nagbigay ng babala sa publiko ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) laban sa bagong modus operandi ng mga manggagantso na ang target ay makuha ang ginagamit na SIM card ng bibiktimahin upang makuha ang mga personal na impormasyon at limasin ang pera sa bank account.

Imahe mula sa BSP

Tinatawag na “SIM swap scam” o “SIM swap fraud” ang bagong paraan ng panggagantso.

Sinabi ng BSP  na huwag maniniwala sa mga matatanggap na text, email o tawag mula sa magpapakilalang representative ng telecommunications company at mag-aalok ng upgrade ng SIM card ng inyong cellphone upang maproteksyunan daw ang inyong account.

Isa itong scam, ayon sa BSP. Marami na umanong nabiktima ang mga fraudsters sa ganitong modus, kabilang ang mga overseas Filipino workers, teachers at iba pa na nalimas ang pera sa bangko.

Kapag kumagat sa modus ang biktima at ibinigay ang SIM card sa mga scammers ay maaari na nilang makuha ang mga importanteng impormasyon tungkol sa biktima.

At kung ang SIM card na nakuha ng mga manloloko ang ginagamit ng biktima o ipinarehistro sa online banking kung saan ipinadadala ang one-time PIN na kailangan bago maproseso ang anumang bank transaction tulad ng fund transfer o paglipat ng pera sa ibang account, tiyak umanong malilimas ang inyong pera.

Imahe mula sa BSP

May ilang bangko na rin, tulad ng BDO at UnionBank, ang nagbigay ng advisory tungkol sa pag-iingat sa nasabing scam.

Payo ng BSP, huwag ibibigay ang inyong SIM card o mga mahahalagang impormasyon na may kaugnayan sa inyong SIM card sa anumang text, email o tawag. Ugaliin din na palaging i-check ang mga emails at text messages para sa mga hindi pangkaraniwang transakyon sa inyong bank accounts.

At kung sakaling nakapagbigay na kayo ng mga personal n’yong detalye at detalye ng inyong SIM sa mga hindi awtorisadong tao, agad na makipag-ugnayan sa inyong bangko.

Imahe mula sa BDO
Source :

GMA Network, MSN

Loading…