Bagong talkshow ni Kris Aquino magsisimula na ngayong Hulyo

Image by Kris Aquino via Facebook
  • Talk show ni Kris Aquino, magsisimula na sa July 25 sa TV5
  • Kinakabahan umano si Kris dahil matagal din siyang nawala sa telebisyon
  • Pumirma ng non-disclosure agreement ang Queen of All Media kaya’t hindi siya makapagbibigay ng detalye sa show

Magbabalik-telebisyon na si Queen of All Media Kris Aquino sa pamamagitan ng talk show na may titulong “Love Life with Kris” na mapapanood simula July 25 sa TV5.

Image by Kris Aquino via Facebook

Pagbabahagi ni Lolit Solis sa Instagram, kinakabahan si Kris sa kanyang pagbabalik dahil sa matagal siyang nawala at matagal ding hindi humarap sa kamera kaya’t parang nag-uumpisa pa lamang uli.

Saad ni Solis, “Pero knowing Kris na parang isda na ‘pag itinapon sa tubig tiyak na lalangoy agad, kaba lang, pero for sure performance agad ang ibibigay.”

Wika pa ng veteran showbiz columnist, tiyak na marami ang agad gustong mapanood ang palabas ni Kris dahil sa rami ng kanyang tagahanga na matagal nang naghihintay sa pagbabalik nito.

“Yes, it is good to start again, Yes, it is good to rebuild again, and Yes, it is natural to be nervous, but for sure you will have a big welcome Kris.”

Matatandaang pumirma si Kris sa Cornerstone Entertainment na siya ring napapabalitang magpo-produce ng “Love Life with Kris” na mapapanood naman bilang blocktimer sa Kapatid channel.

Nauna nang itinanggi ni Willie Revillame na walang katotohanan ang mga usap-usapang siya ang producer ng palabas.

Para sa kanyang pagbabalik, pumirma si Aquino ng non-disclosure agreement kaya’t hindi siya maaaring magbigay ng iba pang detalye sa palabas.

Image by Kris Aquino via Facebook

Kilala si Kris sa napakaraming game show at talk show kung saan siya ang host. Kabilang dito ang Startalk, The Buzz, Boy & Kris, Kris TV, Wheel of Fortune, Deal or No Deal, Today with Kris Aquino, Pilipinas Game Ka Na Ba?, at marami pang iba.

Nasa apat na taon din siyang hindi nagkaroon ng regular show dahil sa usaping kalusugan.

Image by Kris Aquino via Facebook

Loading…