Bahagi ng kisame ng food court sa NAIA Terminal 3 bumagsak

Imahe mula sa Airport Police Department ng MIAA
  • Kisame ng food hall sa NAIA 3 gumuho
  • Tinatayang 100 square meters ang laki ng kisameng bumagsak
  • Wala namang nasaktan sa insidente dahil pansamantalang sarado sa publiko ang food hall

Gumuho ang bahagi ng kisame ng food court sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Miyerkules ng madaling-araw, July 15.

Imahe mula sa Airport Police Department ng MIAA

Bagama’t may mga stranded passengers sa naturang paliparan ay wala namang nasaktan sa pangyayari na naganap dakong 3:40 ng madaling-araw dahil pansamantalang sarado sa publiko ang food hall, ayon sa Airport Police Department ng Manila International Airport Authority (MIAA) na agad nagsagawa ng imbestigasyon.

Tinatayang nasa 100 square meters ang gumuhong kisame na yari sa gypsum board na sinuportahan ng aluminum furring strips at ng mga biga sa kisame. Hindi pa malinaw kung ano ang dahilan ng pagguho nito.

Inatasan ni MIAA General Manager Ed Monreal ang assistant general manager for operations na si Ricardo Medalla na magsumite ng report hinggil sa insidente at habulin ang contractor na gumawa ng food hall.

Batay sa records ng MIAA, ang contractor ay kinilalang ang BC Cuerpo Construction Corporation. Ginawa ang food hall noong 2014, subalit hindi natapos ng contractor ang proyekto, na MIAA na ang tumapos noong sumunod na taong 2015.

Imahe mula sa Airport Police Department ng MIAA

Ang BC Cuerpo Construction Corporation ay pinagbabawalan nang makilahok sa anumang bidding para sa airport projects.

“MIAA is checking the terms of reference of the project. We are taking a look if the materials used were substandard,” pahayag ni Assistant Secretary Godess Libiran ng Department of Transportation.

Noong July 1, matatandaang binatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nagdisensyo ng NAIA 3 dahil sa hindi paglalagay ng maraming upuan na magagamit ng mga pasaherong naghihintay ng kanilang flight.

Dahil sa pahayag ni Pangulong Duterte, agad nagpabili ng inisyal na 2,000 monoblock chairs si Transportation Secretary Art Tugade para magamit ng mga pasahero sa NAIA.

Imahe mula sa Airport Police Department ng MIAA

Loading…