Balik-gunita: Nagpaikot ka rin ba ng gulong noong bata ka pa?

  • Nanumbalik sa gunita ng mga netizens ang isang laro ng mga bata noon
  • Ito ay pagpapaikot ng gulong sa kalsada gamit ang isang pirasong patpat
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens

Noong hindi pa nauuso ang iba’t ibang mga online games at makabagong gadgets, simple lamang ang kinalilibangan ng mga bata noon: makalabas lamang ng bahay at makalaro ang mga kababata sa malawak na kalsada, kabukiran, o kagubatan ay tila isang paraiso na.

Kaysarap balikan ang mga alaala ng pagkabata, lalo na ang mga larong kinahiligan at kinatuwaan. Isa na riyan ang pagpapaikot ng gulong sa kalsada sa pamamagitan ng patpat. Iyan ang ibinahagi sa Facebook page na “Lahat 1900’s.”

Ayon sa caption, “Nalaro mo rin ba ito noon? Hindi alintana ang init sa kahit ganitong laro lang.”

Imahe mula sa Facebook page na Lahat 1900s

Hindi naman nagpaawat ang mga netizens sa pagbibigay ng komento hinggil dito. Nagbahagi sila ng mga karanasan nila noong sila ay bata pa.

“Remembering those times…. If only kung may time machine, babalik talaga ako sa nakaraan. Gustong-gusto kong bumalik kung paano nagsimula ang Philippines,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Yes na yes nilalaro namin ito noong bata pa kami, then palo sa puwet pag-uwi ng bahay.”

“Oo naman yes! Ang saya niyan eh, lalo na kapag may karera! Diyan lang dati masaya na kami. Hehehe. Ngayon, hindi na yata masyadong ginagawa iyan kasi puro gadgets na hawak ng kabataan ngayon. Saka isa pa, masyado na kasing mainit ang panahon kaya madalang na ang lumalabas,” pahayag naman ng isa.

“Sabayan mo ng tsinelas sa magkabilang siko walang panama ang mobile legend diyan mga ka-90’s. Hindi na kailangan ng kuryente o baterya. Lalakas pa ang pangangatawan dahil nababatak ang mga braso, tapos lumalakas ang mga binti dahil tumatakbo,” wika naman ng isa.

Public Domain Image

Ikaw, naranasan mo na rin bang magpaikot ng gulong sa kalsada noong bata ka pa?

Source :

Facebook

Loading…