Balita, editoryal ng news org ‘di dapat pakialaman ng gobyerno – Sotto

Imahe mula Facebook - Sen. Tito Sotto
  • Hindi raw dapat pakialaman ng gobyerno ang news organization, ayon kay Sotto
  • Sagutin na lang umano ng mga opisyal ang kinasasangkutang isyu
  • Ginawa ni Sotto ang pahayag sa harap ng maraming reklamo sa uri ng pagbabalita ng ABS-CBN

Hindi dapat pakialaman ng pamahalaan ang laman ng balita at editoryal na inihahatid ng mga news organization, tama man ito o mali; ito ang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III.

Lumabas ang pahayag ni Sotto sa gitna ng mainit na usapin ng prangkisa ng ABS-CBN kung saan maraming kongresista ang kumukuwestiyon sa uri ng pagbabalita ng Kapamilya network.

Imahe mula Facebook -Sen. Tito Sotto

“Government should not meddle with business. ‘Pag may mga pagkakamali o violations, punahin mo pero that’s different from pakikialam and pagme-meddle,” ani Sotto sa isang virtual press conference nitong Miyerkules.

Para sa mambabatas, hindi dapat pakialaman ng pamahalaan ang alin mang pribadong negosyo kabilang na ang mga news organization.

“Ang gobyerno hindi dapat nakikialam sa laman ng editorial, opinyon nila yan, e, they could be wrong but that’s their opinion,” dagdag pa ng Senate President.

May payo rin ang senador sa mga opisyal ng gobyerno na nasasangkot sa mga kontrobersiya at sa tingin nila ay hindi nabibigyan ng patas na pagtaya ng nagbabalita. Kailangan lang umanong harapin ang mga akusasyon at patunayang wala silang kinalaman.

“Kung hindi naman totoo yung sinasabi, lalabas at lalabas din ang katotohanan. The truth is very difficult to hide,” dagdag pa ng pangulo ng Senado.

Imahe mula Facebook- Rep. Mike Defensor

Magugunitang iminungkahi ni Rep. Mike Defensor na itigil muna ang pag-ere ng mga news and public affairs na programa upang hindi umano maimpluwensiyahan ang ginaganap na pagdinig sa Kamara. Pabayaan na lang daw muna ang mga non-political na programa dahil kalimitan ay nagiging one-sided ang mga isyu kapag lumabas na sa balita.

Naglabas din ng hinaing si dating Health Secretary at ngayon ay Iloilo Rep. Janette Garin tungkol sa diumano’y mga ‘maling impormasyon’ na inilabas noon ng ABS-CBN sa kasagsagan ng kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine.

Loading…