Batang nakipag-bonding sa aso na ipinaiwan sa labas ng coffee shop, inulan ng tulong

Imahe mula sa Facebook | Mazikeen the Chow
  • Bumuhos ang biyaya para sa 12 anyos na street child na nag-viral matapos na makuhanang magiliw na nagbabantay sa asong ipinaiwan sa labas ng isang coffee shop
  • Sabi ng batang si Rondel, binantayan niya si Mazey dahil alam niyang maraming nangunguha ng aso roon
  • Nakatanggap si Rondel at ang kaniyang pamilya ng groceries mula sa netizens at ilang mga kompanya

Inulan ng biyaya ang isang street child na nag-trending kamakailan dahil sa magiliw niyang pagbabantay sa aso ng isang customer na ipinaiwan sa labas ng isang coffee shop sa Taguig.

Imahe mula sa Facebook | Mazikeen the Chow

Kuwento ng 12 anyos na si Rondel sa GMA News, alam niyang marami ang nangunguha ng aso at bisikleta sa paligid ng mall kaya binantayan niya si Mazey.

Nakita naman ng uploader na si AJ Soriano ang pagnanais ng bata na aliwin ang aso habang wala siya kaya naman kinuhanan niya ng larawan ang dalawa. Binilhan niya rin ng inumin ang bata bilang pagpapasalamat.

Ang kaniyang post ay umani ng libu-libong reaksyon sa social media kaya naman nakalikom si AJ ng pera upang makabili ng groceries para sa pamilya ni Rondel. Sa isang panayam ng GMA News ay sinabi ng ina ng bata na bagama’t alam niyang bawal lumabas ang anak ay hindi niya ito napipigilang mamalimos.

Imahe mula sa Facebook | Mazikeen the Chow

 Maging ang atensyon ng may-ari ng clothing line na suot noon ni Rondel ay nakipag-uganayan kay AJ. “Guys! Do you remember the shirt that Rondel was wearing last Saturday? The shirt says ‘Jesus,'” kuwento ni AJ sa Facebook page ni Mazey.

Nang tanungin kung saan nakuha ni Rondel ang damit ay sinabi nitong napulot niya lang ito sa basurahan. Nalaman ito ng Ablaze Communications at hindi sila nag-atubiling tulungan ang bata. “They showered Rondel with groceries and new apparels.”

Maging ang coffee shop ay nagbigay rin ng tulong kay Rondel at nagbigay ng gift certificates para kay Mazey.

“Deserve ng world makita yung positivity na napopost sa social media,” ani AJ.

 

Loading…