Bea Alonzo ibinahagi kung paano nabago ng ABS-CBN ang buhay niya

Imahe screenshot via Instagram
  • Inilabas ni Bea Alonzo ang kaniyang saloobin tungkol sa isyu ng prangkisa ng ABS-CBN
  • Hindi rin naiwasang maging emosyonal ng aktres sa kaniyang post
  • Anuman ang mangyari, mananatili umano siyang isang Kapamilya

Ibinahagi ni Bea Alonzo sa isang emosyonal na Instagram post kung paano nabago ng Kapamilya network ang kaniyang buhay simula noong nagsisimula pa lamang siya noon sa showbiz.

Sa gitna ng pagsubok na hinaharap ng ABS-CBN, na siyang nagbigay sa kaniya ng break sa telebisyon at sa pinilakang-tabing, inalala ng aktres ang mga panahong iniisip lamang umano niya na abutin ang kaniyang pangarap at suportahan ang pamilya.

“Nakakamiss. Hindi ko maiwasang hindi bumalik sa simula,” ani Bea. “Malaki ang pinagbago ng buhay ko dahil sa ABS-CBN. Pero alam n’yo na yun.”

Bea Alonzo| Imahe via Instagram

“Alam n’yo nang naitaguyod ko ang pamilya ko dahil sa tulong nila, at alam n’yo na ring malaki ang natutunan ko sa aspeto ng pag-arte dahil sa mga taong nakatrabaho ko mula dito,” dagdag pa niya.

Patuloy pa ng aktres, siya rin bilang Pilipino ay may mga tanong din: “Ano ba ang tama? Ano ba ang ikabubuti ng karamihan?”

“Ang alam ko lang, sa halos dalawang dekada ng buhay ko, hindi ko na mabilang kung ilang tao sa paligid ko ang nabigyan ng pagkakataong makapaghanap buhay nang maayos at makatulong sa kanilang pamilya dahil sa ABS-CBN. Kabilang ako dun,” wika pa nito.

Imahe screenshot via Instagram

Hindi rin naiwasan ni Bea na ilabas ang saloobin tungkol sa walang katiyakan kung ano ang mangyayari sa usapin ng prangkisa ng ABS-CBN na tinatalakay ngayon sa Kongreso.

“Gusto kong magdasal para sa desisyong magbabago ng maraming buhay. Nawa’y gabayan tayo ng Maykapal,” anito.

Ganun pa man, tiniyak naman ni Bea na kahit anong mangyari ay mananatili siyang Kapamilya.

“Kahit anong mangyari, babalik ako sa simula, kahit saan ako dalhin, ako’y isang kapamilya, nakaukit yan sa puso ko,” pagtatapos ng kaniyang post.

Loading…