BIDA Solusyon sa COVID-19 inilunsad ng DOH

Imahe mula sa DOH
  • Naglunsad ng information campaign ang DOH upang turuan ang publiko ng mga bagay na dapat gawin upang makaiwas sa COVID-19
  • Tinawag ang kampanya bilang BIDA Solusyon sa COVID-19
  • Para sa mas epektibong kampanya, kinuha ng DOH ang serbisyo ni Alden Richards bilang BIDA Champion

Inilunsad kamakailan lang ng Department of Health (DOH) ang isang kampanya na naglalayong mabigyan ng tamang impormasyon ang mga mamamayan upang epektibong maiwasan ang pagkahawa sa coronavirus.

Imahe mula sa DOH

Tinawag na “BIDA Solusyon sa COVID-19” ang information campaign ng DOH.

Sinabi ni DOH Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na mahalaga na mapanatili nating ligtas ang sarili laban sa COVID-19 upang maproteksyunan ang kalusugan ng ating mga kapamilya at upang hindi na kumalat ang mikrobyo.

Batay sa obserbasyon ng ahensya, patuloy ang pagdami ng bagong COVID-019 cases dahil hindi nasusunod ng marami ang minimum health standards na kinakailangan upang makaiwas sa virus.

Ani Vergeire, ang responsableng desisyon ay makapagliligtas ng buhay. Layunin ng BIDA Solusyon sa COVID-19 na itaas ang antas ng kamalayan ng publiko tungkol sa mga bagay na importanteng gawin ng bawat isa upang mapagtagumpayan natin ang laban  kontra sa COVID-19.

Ang bawat letra sa BIDA ay kumakatawan sa isang bagay na dapat gawin upang makaiwas sa COVID-19.

Imahe mula sa DOH

B – Bawal walang mask

I – I-sanitize ang mga kamay. Iwas hawak sa mga bagay

D – Dumistansya ng isang metro

A – Alamin ang totoong impormasyon

Naniniwala ang DOH na kung susundin ng bawat isa ang BIDA Solusyon ay tiyak na mapapabilis ang transisyon natin patungo sa normal na takbo ng pamumuhay.

At upang mas maging epektibo ang kampanya, kinuha ng DOH ang serbisyo ng popular na aktor na si Alden Richards bilang BIDA Champion.

Panoorin ang patalastas na pinagBIDAhan ni Alden:

Loading…