‘Bigla na lang kaming naging 11’: Vilma ‘nagulat’ sa pagkonti ng boto pabor sa ABS-CBN

Imahe mula sa Facebook ng Batangas Development Summit
  • Vilma Santos nasurpresa umano sa kakaunting boto na pumabor sa ABS-CBN
  • Si Vilma ay isa sa 11 kongresista na pabor sa bagong prangkisa ng Kapamilya network
  • Naniniwala naman ang beteranang aktres na makababalik pa sa ere ang istasyon ng pamilya Lopez

Hindi naitago ni Batangas Rep. Vilma Santos ang pagkasurpresa at pagkadismaya dahil sa bigla umanong pagkonti ng boto na pumabor sa pagbibigay ng panibagong prangkisa sa ABS-CBN.

Sa panayam ng Teleradyo ilang oras matapos ang botohan sa Kamara nitong Biyernes, sinabi ng premyadong aktres na tulad ng karamihan, maging siya ay nagulat din sa naging resulta ng botohan. Ang pagkakaalam niya umano kahit sa simula pa lang ay marami ring sumusuporta sa panukalang i-renew ang prangkisa ng Kapamilya network.

Imahe mula sa Facebook ni Rep. Vilma Santos-Recto

“Biglang, bakit kami kumonti nang ganito na lang? Very significant naman na bigla na lang kami naging 11. May mga ganyang palakad na kung minsan ay hindi natin basta matatanong o makukuwestiyon. Maski ako, hanggang ngayon, hindi ko ma-absorb, nahihirapan ako,” ani Santos.

Para sa dating gobernador ng Batangas, nasagot naman ng network ang mga isyung ibinabato sa kanila mula sa buwis na ibinabayad hanggang sa umano’y di patas na pamamahayag. Nagsalita rin ang ilang national agencies para patunayan na walang nilabag na batas ang ABS-CBN, ayon pa sa kongresista.

Imahe via ABS-CBN

“Kung meron mang mga administratibong pagkukulang, ito naman po ay nako-correct. Meron naman po tayong proseso sa batas… Ang point ko, not to the extent na magsasara,” giit ng mambabatas.

Ayon pa sa beteranang aktres, kung ginagawa mang sangkalan ng ABS-CBN ang mahigit na 11,000 na empleyado nitong mawawalan ng trabaho, hindi naman ito malayo sa katotohanan sapagkat mahirap ang buhay ngayon dahil nahaharap sa pandemya ang buong mundo.

Sa kabila nito, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang kongresista na makababalik sa ere ang istasyon.

Screenshot mula sa Twitter ni Luis Manzano

“I truly believe… I’m still very optimistic, we can refile. Puwede naman po ‘yan later on. Sabi ko nga, hindi dito magsasara ‘yan,” anito.

Samantala, proud naman si Luis Manzano sa kaniyang ina dahil isa ito sa 11 kongresista na bumoto pabor sa ABS-CBN franchise.

“Love you Momski. Proud of you,” ani Luis sa isang tweet.

Maliban kay Vilma, ang iba pang kongresista na bumoto para bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN ay kinabibilangan nina Reps. Sol Aragones, Christopher de Venecia, Carlos Zarate, Gabriel Bordado, Lianda Bolilia, Ping Tejada, Benny Abante, Stella Quimbo, Mujiv Hataman at Edward Maceda.

Loading…