Biktima ng COVID-19 pandemic pumalo na sa mahigit 12-M sa buong mundo

Imahe mula sa The Guild
  • Umabot na sa mahigit 12 milyon ang kaso ng coronavirus sa buong mundo
  • Nangunguna pa rin ang Estados Unidos na mayroong mahigit 3 milyong kaso
  • Patuloy ring tumataas ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas na umabot na sa mahigit 51K

Umabot na sa mahigit 12 milyon ang tinamaan ng coronavirus sa buong mundo at ang mahigit kalahating milyon dito ay hindi pinalad na makarekober.

Sa pinakahuling talaan ng worldometer, pumalo na sa 12,387,420 ang tinamaan ng COVID-19 hanggang nitong Hulyo 10.

Imahe mula sa worldometer

Nangunguna pa rin sa listahan ang Estados Unidos na may 3,219,999 na kaso kasunod ang Brazil na may 1,759,103 na kaso. Pumangatlo ang India (794,842) na sinundan ng Russia (707,301) at Peru (316,448).

Ang Estados Unidos rin ang may pinakamalaking bilang ng sinawimpalad sa virus (135,822). Sinusundan ito ng Brazil (69,254), India (21,623), Peru (11,314) at Russia (10,843).

Imahe mula sa worldometer

Ang Pilipinas naman ay patuloy pa ring tumataas ang bilang ng kaso ng coronavirus. Sa talaan ng DOH nitong Hulyo 9, mayroon nang 51,754 na kaso sa bansa at 1,314 dito ang hindi nakaligtas habang 12,813 naman ang gumaling.

Ang Pilipinas ay pang-34 na may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa mundo at pang-14 sa Asya.

Samantala, inanunsiyo naman ng World Health Organization (WHO) ang gagawing pag-aaral ng Independent Panel for Pandemic Preparedness and Response (IPPR) sa naging aksiyon ng mga bansa para sugpuin ang pandemiya.

“This is a time for self-reflection, to look at the world we live in and to find ways to strengthen our collaboration as we work together to save lives and bring this pandemic under control,” ani Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus.

Imahe mula sa DOH

Nakatakda ring ganapin ang Special Session of the Executive Board sa darating na Setyembre para pag-usapan ang ginagawa ng Panel at magpipresenta ito ng interim report sa pagbubukas ng World Health Assembly sa Nobyembre.

Ayon pa kay Dr. Tedros, kailangang paghandaan ng mundo ang mga darating pang pandemiya at mga hamon sa sangkatauhan tulad ng antimicrobial resistance, inequality at climate crisis.

“COVID-19 has taken so much from us. But it is also giving us an opportunity to break with the past and build back better,” wika ng lider ng WHO.

Loading…