Bitoy pinawi ang pangamba ng mga tagahanga: “I am getting better”

Screenshot mula sa GMA News video
  • Tiniyak ni Bitoy sa kaniyang mga fans na bumubuti na ang kaniyang kalagayan
  • Patuloy daw niyang pinalalakas ang kaniyang resistensiya
  • Marami din daw siyang natutunang leksiyon mula sa kaniyang pinagdadaanan

Matapos lumabas ang pekeng balita tungkol sa kaniyang diumano’y pagyao, tiniyak ni Michael V. sa kaniyang mga tagahanga na bumubuti na ang kaniyang kalagayan.

Ito ay matapos dapuan ng COVID-19 ang sikat na komedyante noong nakaraang linggo. Idinokumento pa ni Michael V. ang kaniyang karanasan sa kaniyang vlogs sa You Tube channel.

Screenshot mula sa GMA News video

Nitong Miyerkules ay nakausap ang aktor-singer ng GMA News upang tiyakin sa kaniyang mga fans na gumagaling na siya.

“I am getting better. Hindi pa rin 100% but I am getting better,” ani Bitoy na naging emosyonal habang pinasasalamatan ang lahat ng nagdarasal para sa kaniyang kalusugan.

“We’ve been through worse”: Michael V. nagpositibo sa COVID-19

Bahagi ng komedyante, patuloy niyang pinalalakas ang kaniyang resistensiya sa pamamagitan ng pag-inom ng hot lemon at luya.

“Kahit anong advice ng kakilala namin tina-try namin. Wala naman mawawala,” anito. “Basta be active pero ’di sobra to the point na papagurin mo sarili mo.”

Sa kasalukuyan, bumaba na ang kaniyang lagnat bagama’t medyo hirap pa rin siya nang kaunti sa paghinga bukod sa mabilis ding mapagod.

Screenshot mula sa You Tube

Hindi rin maiwasang malungkot ni Bitoy lalo pa’t nakakulong lang siya sa kaniyang kuwarto at hindi nakikita at nayayakap ang pamilya. Marami din daw siyang natutunan simula nang pagdaanan niya ang isa sa pinakamabigat na pagsubok sa kaniyang buhay.

“Lahat naman ng kailangan ko, lahat ng gusto ko nandidito, pero naging meaningless lahat,” bahagi pa niya.

Tungkol naman sa kumalat na pekeng balita, idinaan na lang sa biro ni Bitoy ang kaniyang reaksyon.

Nakatatawa umano na may nagti-text pa talaga sa kaniya para kumpirmahin kung totoo nga ito. Hindi lang daw niya alam kung ano ang isasagot dito.

“Nakakainis, mine-message ako directly. ‘Di ko alam kung sasagutin ko ng ghost emoji,” wika pa ng komedyante.

Loading…