Bus na may sakay na mga LSI, naaksidente sa Samar

Imahe mula sa WIkipedia
  • Bus na may sakay na locally stranded individuals, sinamang-palad sa Samar
  • Naganap ang insidente Lunes ng madaling-araw
  • Mabuti na lamang at walang nasaktan sa mga pasahero at drayber ng bus

Naaksidente ang isang bus na may sakay na mga locally stranded individuals o LSI nitong nakaraang Lunes ng umaga, ika-6 ng Hunyo.

Base sa ulat ng ABS-CBN News, naaksidente ang Partas bus sa Sitio Cantaba, Barangay Caticugan, Sta. Rita, Samar bandang alas-3 ng madaling araw.

Imahe mula sa Facebook ni Bea Bernardo

Patungo umano ang naturang sasakyan sa Mindanao at mayroon itong sakay na 21 LSI at dalawang drayber bilang bahagi ng Hatid Tulong Program ng pamahalaan.

Batay sa ulat na nakarating kay PNP Samar Police Provincial Director Col. Andre Dizon, binabaybay ng bus ang Maharlika Highway nang bigla na lang itong dumausdus sa isang kurbadang bahagi ng daan sa nabanggit na lugar.

Wala namang nasaktan sa 21 pasahero at dalawang drayber habang patuloy pang iniimbestigahan ang pangyayari. Inilipat na rin sila sa isa pang bus upang maipagpatuloy ang kanilang biyahe.

Imahe mula sa Biliran Blogs

Ang Hatid Tulong Program ay isang inisyatibo ng administrasyong Duterte para matulungang makabalik sa kani-kanilang probinisya ang mahigit sa 5,000 mga pasahero na hindi nakauwi mula sa Maynila matapos abutan ng lockdown.

Ayon kay Presidential Management Staff (PMS) Assistant Secretary Joseph Encabo na siyang namamahala sa programa, aaabot na sa 3,570 LSI patungong Mindanao ang kanilang natulungan at mahigit 2,000 pa ang nakatakda nilang ihatid sa iba’t-ibang bahagi ng Luzon.

Loading…