Cayetano bumuwelta kay Robredo: “Hindi natutulog sa pansitan ang Kongreso”

Mga imahe mula sa Facebook
  • Pinatutsadahan ni Cayetano si VP Robredo tungkol sa mga batas na tinatalakay sa Kamara
  • Hindi umano sila ‘natutulog sa pansitan’ sa Mababang Kapulungan
  • Marami rin daw silang ginagawa, subalit ito ay hindi napag-uusapan sa balita

Binuweltahan ni Speaker Alan Peter Cayetano si Vice President Leni Robredo matapos sabihin ng huli na sana ay pag-usapan naman sa Kamara ang mga bagay na nakatutulong sa karamihan na nangangailangan ng karagdagang benepisyo.

Ayon kay Cayetano, noong hindi pa nila tinatalakay sa Kongreso ang prangkisa ng ABS-CBN, udyok daw ni Robredo na gawin na ito. Subalit nang ginagawa na ang hearing, marami naman daw mas importanteng bagay, ayon kay Robredo.

Imahe mula sa Alan Cayetano website

“Yes, as required of us and despite valued reservation, we have tackled the contentious matter of the franchise application of ABS-CBN. But away from public limelight and media scrutiny, we have also prioritized the needs of our citizens in response to our current crisis,” paliwanag ng kongresista.

Magugunitang sinabi ni Robredo sa kaniyang panayam sa radyo na kailangang mabigyan ng mas maraming benepisyo ang mga frontliners para hindi na nila naisin pang mangibang-bansa.

“So sana, halimbawa sa Congress, sana imbes na pinag-uusapan ‘yung mga bagay na hindi naman nakakatulong, sana ito na iyong ginagawa, ‘di ba?” anang Bise Presidente.

Subalit iginiit ni Cayetano na maraming naipasang batas ang Kamara sa Bayanihan to Heal As One Act, at mga panukalang COVID-19-Related Anti-Discrimination Act at Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy.

Imahe mula sa FWN

Bukod dito mayroon pa umanong 10 nakabinbing batas at resolusyon para talaga sa kapakanan ng mga frontliners.

“Hindi natutulog sa pansitan ang Kongreso. I say this for the benefit of the vice president, who, despite appearing to be clueless as to the real work of this Congress, has nonetheless felt it’s her duty to instruct this House on how it should conduct its business,” patutsada ng Speaker.

“Ginagawa namin ang trabaho namin, hindi lang nala-live sa TV lahat ng aming hearing,” dagdag pa nito.

Sina Cayetano at Robredo ay naging magkatunggali noong 2016 election kung saan tinalo ng huli ang dating senador mula sa Taguig sa pagka-pangalawang pangulo.

Loading…