China sinagot ang pahayag ni Locsin re: WPS ruling: “Award are illegal and invalid”

Imahe mula sa KDN
  • Sinagot ng China ang naging pahayag ni Locsin tungkol sa The Hague ruling
  • Ilegal at walang bisa umano ang desisyon ng arbitration court na pumabor sa Pilipinas
  • Sinabi rin ng China na hindi sila lumahok sa arbitration kaya hindi nila kinikilala ang desisyon ng korte

Ilegal at walang bisa; ito ang naging sagot ng China sa pahayag ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin kung saan binigyang-diin ng kalihim na ‘non-negotiable’ ang pagkakapanalo ng Pilipinas sa international arbitration court tungkol sa usapin ng West Philippine Sea.

Sa opisyal na pahayag ng Chinese embassy, sinabi nitong hindi sila lumahok sa arbitration at lalong hindi nila tinatanggap at kinikilala ang nasabing desisyon.

Imahe mula sa Global Risk Insight

“China’s position is consistent, clear and firm. The South China Sea arbitration and its so-called award are illegal and invalid,” wika ng China.

“China’s territorial sovereignty and maritime rights and interests in the South China Sea will under no circumstances be affected by this award. China firmly opposes and will never accept any claim or action based on aforesaid award,” dagdag nito.

Ipinagdiinan din ng komunistang bansa na nagkaroon na umano ng ‘consensus’ ang China at Pilipinas kung paano haharapin ng dalawang kampo ang arbitration case. Kabilang na daw rito ang pagbuo ng Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea (BCM) na nagbigay daan para bumalik sa sa tamang direksiyon ang pagresolba ng gusot sa pamamagitan ng negosasyon at konsultasyon.

Imahe mula sa DFA-Facebook

Hinimok din ng China ang Pilipinas na makipagtulungan upang ipagpatuloy ang nakamit na ‘momentum’ sa bilateral relation ng dalawang bansa at para na rin sa kapayapaan sa West Philippine Sea.

Sa inilabas na pahayag ng DFA noong Hulyo 12 bilang pag-alaala sa ika-4 na anibersaryo ng The Hague ruling, sinabi ni Locsin na ang award ay siyang tumuldok sa isyu ng ‘historic rights’ at ‘maritime settlement’ at ito ay alinsunod sa balangkas mismo ng United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS).

Nanawagan ang kalihim na dapat ay sumunod ang Tsina sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration dahil isa itong obligasyon sa ilalim ng international law at ang award na napanalunan ng Pilipinas sa kaso ay ‘non-negotiable’.

Loading…