
- Marikina Rep. Bayani Fernando hinikayat ang gobyerno na gamiting quarantine facilities ang mga silid-aralan
- Iminungkahi niya na isang asymptomatic o mild COVID-19 patient lang ang gagamit ng bawat classroom
- Mainam daw na gamitin ang mga silid-aralan lalo na ngayong hindi pa ligtas na magkaroon ng face-to-face classes
Iminungkahi ni Deputy Minority Leader at Marikina Representative Bayani Fernando na gamitin ang mga silid-aralan bilang quarantine facilities para sa mga asymptomatic at mild cases ng COVID-19.

Sa proposal niya, ang mga kumpirmadong asymptomatic at mild cases ng naturang sakit ay dapat i-quarantine sa mga silid-aralan at ang mga malalang kaso lang ang dalhin at gamutin sa mga ospital.
At upang maampat ang pagkalat ng coronavirus ay iminungkahi niya na isang pasyente lang ang gagamit ng isang silid-aralan.
Sa pagmumungkahi, binanggit ni Rep. Bayani ang isang pag-aaral kung saan sinasabing mas nahahawa ang mga tao mula sa kapamilyang kasama sa bahay na may COVID-19 kaysa sa mga taong nakahahalubilo nila sa labas.
“I am proposing that asymptomatic individuals be quarantined in classrooms and the ratio would be 1:1 or one classroom, one Covid-19 positive person. In this way we can prevent further transmission,” sabi ni Rep. Fernando.
Aniya, ang mga karaniwang 63-meter-classrooms ay may mas mainam na bentilasyon, ilaw at iba pang pasilidad na nakapagpapaginhawa kumpara sa karamihanng mga bahay kung saan pinipili ng mga asymptomatic patients na mag-quarantine.

“We have around one million classrooms across the country and these are located in the communities. I believe that most of our classrooms are equipped with electric fans especially in cities where COVID is prevalent,” anang mambabatas.
“Many classrooms have toilets but for those that have none, the occupant can use arinola or bed pan instead,” sabi pa niya.
Sa halip na umupa ng mga hotel rooms bilang quarantine facilities, mas mainam umano na gamitin ang mga silid-aralan lalo na ngayong hindi pa ligtas na magkaroon ng face-to-face classes.
Matatandaang kamakailan lang ay sinabi ni National Task Force against COVID-19 deputy chief implementer na si Vince Dizon na nag-book sila ng karagdagang 2,000 hotel rooms para sa mga asymptomatic at mild COVID-19 cases.
