Clinical trials kaugnay sa Lagundi kontra COVID-19 sisimulan na ng UP-PGH

Imahe mula sa Facebook page ng T2JCO Alternative and Holistic Approach
  • Clinical trials sa lagundi bilang potensyal na lunas sa COVID-19 sisimulan na
  • Ang UP-PGH ang magsasagawa ng clinical trials na pinondohan ng DOST
  • Hinihintay na lang  ng UP-PGH research and development team ang go signal ng FDA

Nakatakda nang simulan ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) ang clinical trials para sa lagundi bilang posibleng panlunas sa COVID-19.

Imahe mula sa Facebook page ng PGH

Isiniwalat ni Secretary Fortunato Dela Peña ng Department of Science and Technology (DOST) na inaprubahan na at nagbigay na ng clearance ang UP-PGH Ethics Committee para sa pagsasagawa ng clinical trials.

Sa lingguhang Bayanihan report ng DOST projects para sa COVID-19 national response, sinabi ni Sec. Dela Peña na hinihintay na lang ng UP-PGH research and development team ang go signal ng Food and Drug Administration bago magsimula.

Ipinahayag ng kalihim na aprubado na ng DOST ang funding para sa clinical trials ng lagundi.

“We approved a budget of P4.9 million,” aniya.

Bukod sa lagundi, pinopondohan din ng DOST ang research and development ng melatonin, convalescent plasma, virgin coconut oil at tawa-tawa bilang mga potensyal na panlunas sa COVID-19.

Ang lagundi ay popular bilang gamot sa ubo, samantalang ang tawa-tawa naman ay health supplement para sa dengue.

Imahe mula sa Facebook page ng T2JCO Alternative and Holistic Approach

“Alam naman natin na ‘yung lagundi ay tanggap na ‘yan bilang gamot sa ubo, sa mga respiratory ailments at ‘yan ang kauna-unahang halamang gamot na na-commercialize through a DOST research as early as the late 80s,” pahayag ng kalihim.

Ang pag-aaral sa lagundi at tawa-tawa bilang posibleng gamot sa COVID-19 ay nauna nang nabanggit ni Sec. Dela Peña noong nakaraang buwan. Aniya may anti-viral properties daw ang dalawang halamang gamot na nabanggit.

Imahe mula sa PCOO

“Ang tinutukoy ko ay lagundi at tawa-tawa… kasi pareho ring may antiviral properties ‘yan kaya nga approved na gamot ang lagundi sa ubo at approved na health supplements ang tawa-tawa sa dengue,” sabi noon ng kalihim.

Aniya, ang mayamang biodiversity ng bansa ay dapat magamit ng mabuti sa gitna ng health crisis. Suportado umano ng DOST ang lahat ng ginagawang pag-aaral para sa pagdiskubre ng mga bagong panlunas hindi lang para sa COVID-19 kundi maging sa iba pang karamdaman.

Imahe mula sa Liwanag Herbal

Loading…