Clinically recovered! Kambal sabay na gumaling sa COVID-19

Imahe mula sa Facebook ni Perdi Alarcon
  • Sabay na gumaling ang isang pares na kambal sa Navotas City matapos dapuan ng coronavirus
  • Ibinahagi nila ang kanilang karanasan simula nang makaramdam ng sintomas hanggang sa dalhin sa isolation area
  • Nagpaabot din ng pasasalamat ang netizen sa lahat ng tumulong at sumuporta sa kanila

Isang kambal mula sa Navotas City ang sabay na gumaling matapos mahawa ng coronavirus noong nakaraang buwan.

Sa Facebook post na ibinahagi ni Perdi Villanueva Alarcon, idinetalye ng netizen ang kanilang karanasan simula nang makaramdam umano sila ng sintomas noong Hunyo 23. Nang araw na iyon, umabot umano sa 38.4 oC ang kanilang body temperature ng kaniyang kambal na si Daniel at nagpatuloy ang kanilang lagnat sa loob ng tatlong araw.

Screenshot mula sa Facebook ni Perdi Alarcon

Matapos ang dalawang araw, wala na silang maamoy o malasahan habang isang linggo rin silang nagdusa sa diarrhea at sipon. Noong Hunyo 30, sumailalim sila sa swab test at makalipas ang limang araw ay nalaman nilang positibo nga sila sa COVID-19.

Kinabukasan nang gabi ay dinala umano sila sa isolation facility ng lungsod. Aniya, “Malungkot sa isolation area. May dalang lungkot sa gabi. May dalang takot kapag mag-isa.”

Ang malungkot pa nagpositibo rin ang kanilang magulang at kapatid noong Hulyo 17.

“Lalo akong natakot. Pero tinatagan namin,” ayon sa netizen.

Imahe mula sa Facebook ni Perdi Alarcon

Ngayong nakalabas na sila, inaasahan na rin nilang gagaling at makauuwi na ang kanilang pamilya mula sa quarantine facility.

Ibinahagi rin ng kambal ang kanilang ginawa matapos makaramdam ng sintomas. Kabilang na dito ang pag-inom ng lemon juice, salabat at maging ang pagtutuob. Hiniwalay din umano nila ang kanilang mga gamit para hindi na makahawa.

“Tanda ko pa ikalawang gabi ko, umiiyak ako dahil gusto ko na umuwi. Dagdag mo pa ang takot para sa parents at ate ko habang nagbibilang kami ng araw sa kinalalagyan namin,” kuwento ni Alarcon.

Nagpasalamat din ang kambal sa mga tumulong sa kanila at patuloy na nagbibigay ng suporta kabilang na ang tulong pinansiyal.

“Magagamit namin ito ngayon habang hinihintay gumaling ang ate at magulang namin! Pagpalain po kayo!” anila.

Loading…