Coast Guard nangangalap na ng ebidensiya sa isasampang kaso vs. Chinese vessel

Imahe mula sa Irma Fishing and Trading
  • Inihahanda na ng PCG ang kasong isasampa laban sa MV Vienna Woods
  • Nangangalap na lang sila ng sinumpaang pahayag mula sa mga nagresponde
  • Itinanggi rin ng PCG ang haka-haka na tinakbuhan ng Chinese vessel ang mga Pinoy

Nangangalap na ng ebidensiya ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa isasampang kaso laban sa Chinese vessel na bumangga sa bangka ng Pilipinong mangingisda sa karagatan ng Occidental Mindoro noong Hunyo 27.

Sa panayam sa radyo kay Vice Adm. George Ursabia Jr., commandant ng PCG, sinabi nitong tapos na ang imbestigasyon nila sa mga crew ng MV Vienna Woods habang iniipon na ng kanilang abogado ang mga sinumpaang salaysay mula sa mga nagrespondeng marino at mangingisda sa insidente.

Imahe via PCG Facebook

“We are now building up pieces of evidence to file criminal charges against MV Vienna Wood,” ani Ursabia.

Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat na hindi nag-deploy ang MV Vienna Woods ng maliit na rescue boat dahil masyadong mapanganib ang dagat noong mangyari ang aksidente. Umabot pa umano sa tatlong oras bago tuluyang nakapagpadala ng distress call ang Chinese vessel sa pamamagitan ng email.

Nilinaw naman ni Ursubia na hindi tinakbuhan ng  MV Vienna Woods ang FV Liberty 5 matapos itong mabangga.

“MV Vienna Wood did not commit hit-and-run. They went away to achieve a safe distance. After that, they noticed that there are seven vessels that responded to the capsized vessel,” wika ng opisyal.

Imahe screenshot via PCG Facebook

Nitong Huwebes sinabi ng PCG na hindi nila isinasantabi ang posibilidad na maaaring nakulong ang 14 mangingisdang Pinoy sa loob nang tumaob ang bangka ng mga ito.

Ganun pa man, hindi umano sila nawawalan ng pag-asa na magkaroon ng milagro at matagpuang buhay pa ang mga nawawalang mangingisda.

Halos isang linggo na ang lumipas matapos ang insidente, ngunit wala pa ring natatagpuan sa mga nawawalang Pinoy. Umaasa naman ang kanilang mga kaanak na buhay pa ang mga ito at napadpad lamang sa malalayong isla.

Loading…