Comm. Guanzon, retiradong colonel nagsampa ng reklamo laban sa isa’t-isa

Imahe mula sa Facebook
  • Nagsampa ng reklamo si Guanzon laban sa isang retiradong police colonel sa Bacolod
  • Subalit sinampahan din siya ng reklamo nito at ng homeowner’s association
  • Nag-ugat ang gulo matapos sitahin si Guanzon ng guwardiya sa subdivision

Nagsampa ng reklamo si Comelec Commissioner Rowena Guanzon laban sa isang retiradong police colonel na pangulo ng homeowner’s association sa isang subdivision sa lungsod ng Bacolod.

Subalit sinampahan din si Guanzon ng reklamo ni dating Bacolod City police director Col (Ret.) Larry Decena, presidente ng Gold Crest Subdivision Homeowner’s Association.

Nag-ugat ang hindi pagkakaunawaan ng dalawa matapos sitahin umano ng guwardiya ang sasakyan ni Guanzon na dadalawin ang kaniyang kapatid na nakatira sa subdivision noong Hulyo 5.

Imahe mula sa Facebook ni Comm. Guanzon

Ayaw daw papasukin ng guwardiya si Guanzon dahil paso na ang sticker ng sasakyan nito. Nanindigan naman ang Comelec official na valid pa ang kaniyang sticker hanggang Disyembre 2020.

Nang pauwi na, hinarang daw muli siya ng guwardiya kaya napilitang lumabas ng sasakyan si Guanzon. Subalit sinabihan ang opisyal ng Comelec na ‘hintayin nila ang kaniyang boss’.

Dito na umano dumating si Decena na nakasuot ng PNP t-shirt at nagpakilalang dating pulis subalit hindi maayos ang pagkakasuot ng face mask. Sinabihan umano ni Guanzon si Decena na huwag lumapit sapagkat hindi maayos ang suot na mask pero nagpumilit daw ang huli.

Dito na umano nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa na kapwa pumunta sa Police Station 3 para magsampa ng reklamo laban sa isa’t-isa.

Imahe mula sa DWYB

Ayon naman kay Decena, pinagsisigawan at pinagbantaan sila ng Comelec commissioner at nang bumalik ito ay may kasama nang mga escort na pulis.

Pinabulaanan naman ni Guanzon ang paratang ni Decena at sinabing hindi niya ipinagmamalaki ang kaniyang puwesto sa Comelec nang mangyari ang insidente. Dahil sa reklamo ni Guanzon, nadetine panandali si Decena at nakalabas lamang ito matapos magpiyansa ng P3,000.

Samantala, dumulog din ang kasamahan ni Decena sa homeowner’s asscociation para magbigay ng suporta sa kanilang pangulo at magsampa ng hiwalay na kaso laban kay Guanzon.

Sinabi naman ni Decena na handa siyang harapin ang reklamo ng Comelec official.

Loading…