‘Conscience vote’ hinimok ni Cayetano sa pagboto sa prangkisa ng ABS-CBN

Imahe via Facebook, ABS-CBN
  • Hinimok ni Cayetano ang mga kasamahan na bumuto ayon sa konsensiya
  • Ayaw na rin daw niya impluwensiyahan ang kaniyang mga kasamahan
  • Ito umano ang dahilan kung bakit ayaw niyang tumestigo sa ginaganap na hearing

Ayaw impluwensiyahan ni Speaker Alan Peter Cayetano ang kaniyang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan para sa pagboto sa prangkisa ng ABS-CBN.

Ito umano ang dahilan kung bakit hindi siya tumestigo sa mga pagdinig kung saan tinalakay ang iba’t-ibang isyu kaugnay sa pagpapasara sa higanteng media outlet tulad ng pagiging ‘bias’ o may kinikilingan umano.

Ito rin ang isyung ibinabato ni Cayetano laban sa Kapamilya network noong 2016 election kung saaan tumakbo ang kongresista bilang bise presidente ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Imahe via Facebook

“So, I don’t want to sway members of Congress one way or the other. ‘Yung conscience ay napakaimportante sa boto,” ani Cayetano sa isang ambush interview.

Hinimok niya rin umano sa simula pa lamang ang mga kapwa kongresista na magsalita sa isyu, maging laban ka man o pabor sa pagbibigay ng prangkisa.

“I cannot speak for the parties, kasi mag-uusap-usap din sila, but from the start, we’ve been urging a conscience vote,” dagdag nito.

Imahe via ABS-CBN

Sinabi rin ng mambabatas na masyado nang nahahati ang Kamara dahil sa ginaganap na pagdinig sa Kongreso at hinahayaan na lang niya ang publiko na humusga kung naging patas nga ang hearing.

Nakatakda nang tapusin ngayong linggo ng komite ang pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN at pagbobotohan ito ng 46 na kongresista na miyembro ng House Committee on Legislative Franchises.

Kapag nanalo ang ‘Yes’ na boto, idudulog ito sa plenaryo para pagdebatehan muli. Kung manalo naman ang ‘No’ vote, ito na ang katapusan ng Kapamilya network at hihintayin na lamang na magpalit ng administrasyon bago ito muling subukang ipasa sa Kongreso.

Loading…