COVID-19 cases sa bansa posibleng umabot sa 140K sa August 31; istriktong quarantine kailangan – UP expert

Imahe mula sa One News
  • Posibleng umabot sa 140,000 ang COVID-19 cases sa bansa sa katapusan ng Agosto
  • Sinabi ni UP professor Guido David na kung patuloy ang trend ng pagtaas ng COVID-19 cases ay kailangang magpatupad ang pamahalaan ng istriktong quarantine
  • Ang pataas na trend ng COVID-19 cases ay naobserbahan sa NCR at Calabarzon

Nagbabala ang isang eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na maaaring makapagtala ng 90,000 cases ng COVID-19 sa buwan ng Hulyo at maaaring umabot sa 140,000 sa katapusan ng Agosto.

Imahe mula sa City of Muntinlupa LGU

Binago ng UP OCTA Research group ang nauna nitong projection na 85,000 cases para sa July dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng bagong COVID-19 cases lalo na sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila.

“Mukhang possible umabot ng 90,000, and by end of August, 140,000,” pahayag ni Mathematics professor Guido David.

Ang pahayag ni Prof. David ay kasunod ng pagkakaroon ng mahigit 2,000 additional cases kada araw sa nakalipas na tatlong araw (July 24 hanggang July 26).

Sabi pa ni Prof. David, kapag ang trend ng COVID-19 cases ay hindi bumaba, ang pinakamainam na gawin ng pamahalaan ay muling magpatupad ng mas istriktong quarantine.

“Sa ngayon mukhang makakatulong ‘yon, kasi nagsubok na tayo ng mga measures, random testing, localized lockdown, pero parang hindi yata gumagana. Unless may mga magandang ideas ‘yung gobyerno sana, baka mapilitan tayong bumalik sa mas strict na quarantine, ‘di naman natin ginugusto ‘yan pero kung ‘yan ang kailangan mangyari,” aniya.

Imahe mula sa MSN

“Ang pinaka concern talaga natin ngayon ‘yung mga hospitals kung nag-open tayo ngayon, kung i-allow natin ang GCQ (general community quarantine), ang mangyayari is kung may mga magkakasakit ‘di na sila tatanggapin sa mga hospitals,” dagdag pa ng professor.

Ang pataas na trend ng mga kaso ng COVID-19 infection ay naobserbahan hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa kalapit na rehiyong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).

“Na fa-flatten na yung curve sa Cebu, so ibig sabihin saan nanggagaling ‘tong cases na ‘to? Mostly sa NCR talaga. Iyong trend sa NCR is pataas, at saka ‘di lang sa NCR, pati sa Calabarzon, nadamay din siya sa NCR,” paliwanag niya.

Matatandaang isinailalim sa pinaka-istriktong quarantine  – enhanced community quarantine (ECQ) – ang Cebu City hanggang noong July 15 at simula noong July 16 ay isinailalim na ito sa mas maluwag na modified ECQ hanggang July 31, Samantalang ang NCR at Calabarzon ay nasa ilalim ng GCQ.

As of 4 p.m. nitong Lunes, ika-27 ng Hulyo, ang total cases ng COVID-19 sa bansa ay umabot na sa 82,040.

Imahe mula sa DOH

Loading…