COVID-19 patients napipilitang bumili ng plasma ng survivors sa mataas na halaga dahil sa kawalan ng donors

Imahe mula kay Sen. Migz Zubiri
  • Mga COVID-19 patients napipilitang bumili ng convalescent plasma dahil sa kawalan ng mga donors
  • Mula P12,000 hanggang P80,000 ibinebenta ang plasma
  • Inaasahang matutugunan ang problema sa bentahan ng plasma sa pinaplanong blood donation drive ng gobyerno

Pinaniniwalaan na ang convalescent plasma o ang bahagi ng dugo na kulay dilaw na nagtataglay ng antibodies mula sa mga COVID-19 survivors ay nakatutulong sa pagbuti ng kalagayan ng mga pasyenteng nakikipaglaban pa sa coronavirus.

Imahe mula kay Sen. Migz Zubiri

Sa kasalukuyan, ang Philippine General Hospital (PGH) ay nagsasagawa ng clinical trials sa plasma bilang potensyal na lunas sa COVID-19 infection. Bagaman at wala pang siguradong resulta sa ginagawang trials, ang paggamit ng plasma sa ibang mga karamdaman ay matagal nang ginagawa.

Kamakailan lang, nagpahayag ang PGH na ubos na ang supply nito ng convalescent plasma kaya’t nananawagan ito sa mga COVID-19 survivors na i-donate ang kanilang plasma.

May mangilan-ngilang donors nito gaya ng mga celebrities na sina Christopher de Leon, Iza Calzado at Senator Migz Zubiri, subalit kapos pa rin ang nakakalap na plasma para sa napakaraming pasyenteng nangangailangan nito.

Dahil kulang ang mga donors nito, maraming COVID-19 patients ang napipilitang humanap ng mabibiling plasma mula sa mga survivors gaya ng isang ginang mula sa Cebu na itinampok sa video ng Kapuso Mo, Jessica Soho.

Screenshot mula sa video ng KMJS

Anang ginang, nag-post sila sa Facebook tungkol sa kailangang plasma ng bayaw niyang COVID-19 patient. Mayroon daw agad nag-PM (private message) sa kanila at inalok ng isang bag na plasma sa halagang P50,000. Mayroon ding nag-alok sa halagang P30,000.

Sinabi ng ginang na hindi natuloy ang bentahan kaya naghahanap pa rin sila ng plasma para sa bayaw niya.

Ayon sa isang opisyal ng pamahalaan, may natanggap silang mga report na ang nagbebenta ng plasma sa napakataas na presyo ay mga “middleman.”

“Meron tayong reports na there are middlemen doing the searching of this plasma. And they are charging P12,000 to P20,000 per donor,” sabi ni Assistant Secretary Jonji Gonzales ng Office of the Presidential Assistant for the Visayas.

Imahe mula kay Sen. Migz Zubiri

Umaabot pa raw hanggang P80,000 per bag ang singil ng ilang middlemen.

Umaasa si Gonzales na sa pamamagitan ng pinaplanong blood donation drive ng gobyerno ay matutugunan ang problema sa bentahan ng convalescent plasma.

Source :

Facebook, ABS-CBN

Loading…