DA binabantayan na ang pagpuslit ng mga karneng baboy mula Tsina

Imahe mula India TV News
  • Pagpuslit ng baboy mula Tsina tinututukan na ng DA
  • Ito ay bunsod ng bagong strain ng swine flu na nadiskubre sa Tsina
  • Nanawagan naman ang isang grupo na suspendihin na ang pag-angkat ng baboy

Mahigpit na binabantayan sa ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng pagpuslit ng mga karne at iba pang produktong baboy mula sa Tsina sa gitna ng panibagong banta ng bagong uri ng swine flu.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, pinatutukan niya na sa mga tauhan ng ahensiya ang ilegal na pagpasok ng mga karne mula sa Tsina upang maiwasang kumalat muli ang pandemiya sa Pilipinas.

Imahe via DA Facebook

“So nakikiusap kami sa mga nagnenegosyo na nagpapaparating pa rin illegally, itong pork and pork products na galing mas lalo sa China… ‘wag na natin dagdagaan ang problema natin sa bansa,” wika ng kalihim.

Nadiskubre ng mga eksperto ang bagong strain ng H1N1 swine flu na tinawag nilang G4 H1N1. Napag-alamang nakahahawa ang nasabing virus sa tao at matagal na umano itong kumalat sa mga trabahador ng babuyan sa Tsina simula pa noong 2016.

Sa kasalukuyan, wala pang dulot na masamang epekto o sakit ang virus sa tao subalit pinangangambahang magbago ito sa mga darating na buwan.

Imahe mula Nikkei Asian

Samantala, nanawagan naman ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa gobyerno na suspendihin na ang pag-angkat ng mga produktong agrikultura lalo na ang karneng baboy mula sa Tsina lalo pa’t hindi naman umano naipatutupad ang ‘first border policy’ ng DA.

“In the era of global pandemic, food safety and public health concerns we urge the government to strictly implement the global standard of Quarantine First Policy,” anang grupo sa isang pahayag.

Binanatan din ng SINAG ang plano ng DA na magtayo ng mga pasilidad para sa “first border examination” sa mga pantalan ng Manila, Batangas, Cebu, at Davao. Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P2-B subalit hanggang ngayon ay hindi pa raw ito nagagawa.

Loading…