Dalawang Pinay sa UAE naging instant milyonarya sa gitna ng pandemya

Imahe mula sa Emirates Loto
  • Dalawang Pinay moms suwerteng nanalo sa Emirates Loto sa UAE
  • Nanalo sila ng tig-500,000 Dirhams na katumbas ng P6.7 million
  • Hindi nila inaasahan na sa gitna ng nararanasang pandemya ay magandang kapalaran ang dadapo sa kanila

Hindi inaasahan ng dalawang Pilipina sa United Arab Emirates na biglang mababago ang takbo ng kanilang mga buhay sa kabila ng pananalasa ng pandemya. Ito ay dahil napanalunan nila ang second prize sa Emirates Loto.

Imahe mula sa Emirates Loto

Apat silang masuwerteng nanalo at naghati-hati sa premyo na nagkakahalaga ng 2 million Dirhams. Kasama nilang nanalo ang isang lalaking Irish teacher na kinilalang si Barry Dwyer, 28 anyos, at isang Pakistani na minabuting hindi magpakilala.

Ang mga Pinay naman ay sina Mariser Alibudbud Jarumayan,  43 anyos, at Jinkhie Solomon Gallarzan, 35 anyos.

Sa panayam ng The Filipino Times kay Mariser, sinabi ng Pinay single mom na ikalawa pa lang niyang pagtaya sa Emirates Loto para sa June 27, 2020 draw. Hindi naman daw siya masuwerte sa mga raffles at promo kaya na-shock siya nang mag-check siya ng winning numbers sa Emirates Loto App at nabasa ang mensaheng ““Congratulations, you are a winner on Emirates Loto!” sa screen ng cellphone niya.

“Second time ko pa lang naglaro at salamat sa Diyos, sinwerte ako at nanalo agad ng second prize! Na-shock po talaga ko tapos nakita ko nga nakuha ko five numbers out of six,” kwento niya.

Imahe mula sa Emirates Loto

“‘Di po talaga ko makapaniwala, inisip ko pa rin na baka scam ba pero nang tumawag si Sir Ahmad from Emirates Loto, doon talaga ako naiyak at nagtatalon sa tuwa. Sobrang Saya ko talaga!” sabi pa ng tuwang-taung si Mariser na sampung taon na sa UAE bilang isang section supervisor sa kumpanyang pinapasukan.

Babayaran na raw niya nang buo ang house and lot na hinuhulgan sa Pilipinas. Magtatayo rin ng negosyo at magdo-donate sa simbahan bilang pasasalamat sa magandang kapalarang dumapo sa kanya.

Samantala, ikinuwento naman ni Jinkhie Gallarzan, isang senior technical administrator, na madalas na siyang tumataya sa mga raffle draws at ni minsan ay hindi pa siya nanalo, kaya naman tumahip daw ang kanyang dibdib nang mabasa ang mga numerong binola sa Emirates Loto. Alam niyang numero niya ang kanyang nababasa.

Plano niyang gamitin ang napanalunan sa edukasyon ng anak na lalaki.

Imahe mula sa Emirates Loto

Loading…