De Lima tinawag na “tamad at inutil” ang administrasyong Duterte

Image by Leila de Lima via Facebook
  • Sabi ni Sen. Leila de Lima, nangako si Pangulong Rodrigo Duterte ng tapang at malasakit
  • Pero aniya, tamad at inutil na gobyerno ang nakuha ng mamamayan

Tapang at malasakit ang ipinangako pero tamad at inutil na gobyerno ang nakuha ng mga mamamayan sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte; ito ang komentaryo ni Sen. Leila de Lima sa ikalimang State of the Nation Address ng pangulo.

Pahayag niya, “Tapang at malasakit ang inasahan ng ating mga kababayan nang inihalal nila si G. Duterte. Sa halip, tamad at inutil ang gobyernong ating nakuha.”

Image by Leila de Lima via Facebook

Sabi ng Senadora, mali umano ang pagbanggit ni Duterte na China is “in possession” sa pinag-aagawang teritoryo at may matindi itong implikasyon sa batas lalo pa’t ang bansa ang nanalo sa kaso pero tayo umano ngayon ang umuurong.

Wala rin daw nakamit na hustisya sa kampanya kontra droga at nananatiling wasak ang Marawi; sa kabila aniya nito, ipinasara ang ABS-CBN na may malaking ambag sa ekonomiya at inatake ang mga malalaking kompanya gaya ng Ayala at Pangilinan groups.

Binanggit din nito ang mga locally stranded individuals na napapabayaan na; gayundin ang paghihintay lamang ng administrasyon ng gamot mula sa China kahit na maraming developed countries ang malapit na ring makagawa nito.

“Bakit tila pinapaboran na naman niya ang China para doon bumili? Ano ang kapalit nito?” sabi niya.

Wika pa ni De Lima, nanggaling na mismo sa sariling bibig ni Duterte na wala, “kung hindi ninyo ako naiintindihan sa binabasa ko, mas lalo na ako.” Tila ipinapaubaya na aniya ng pangulo sa kanyang gabinete at sa China ang pamamahala sa bayan.

Hindi rin daw makatutulong ang d*ath penalty yamang hirap na hirap ang administrasyon na mag-convict ng mga tunay na kriminal; ginagamit din umano ni Duterte ang kapulisan at kasundaluhan sa paniniil sa mga Pilipinong naghahanapbuhay, naghahangad ng hustisya at nagnanais ng maayos na pamahalaan.

Image by Leila de Lima via Instagram

Talamak din daw ang korapsyon na nagdulot upang mag-resign ang ilang mga opisyal ng PhilHealth at aabot na sa P9-trillion ang pambansang utang. Tinawag din niyang isang oligarkiya mismo ang pamilya Duterte.

“Malakas ang Pilipinas, kaya nating bumangon. Subalit kung hindi na kaya ng Pangulo na gampanan ang kaniyang tungkulin at ipaglaban ang ating bansa, isang napakabigat na kasalanan sa ating bayan kapag hindi pa siya magbitiw.”

Imahe mula sa PCOO
Source :

Senate, PhilNews

Loading…