Defensor nagpasaklolo sa NBI matapos pagbantaan ng netizen ang kaniyang anak

Imahe mula sa Facebook ni Rep. Defensor
  • Humingi ng saklolo si Rep. Mike Defensor sa NBI matapos bantaan ng netizen ang kaniyang anak 
  • Nakuha na raw nila ang pangalan ng netizen at inaasahan nilang mahahanap ito
  • Nakiusap naman sa publiko ang mambabatas na maging responsable sa paggamit ng social media

Humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) si Anakalusugan party-list Mike Defensor matapos umanong pagbantaan ang kaniyang anak na babae ng isang netizen.

Kuwento ng kongresista sa isang panayam, nagkomento ng hindi kanais-nais ang isang Instagram user sa kaniyang video kung saan makikita ang kaniyang anak na si Juliana na siyang nangunguna sa ginagawang novena.

Rep. Mike Defensor| Screen capture from ANC YT video

“Tapos merong nagkomento doon, ‘Papatayin ko yung anak mo, g*go.’ Yung pangalawang sinabi niya, parang ‘Mata sa mata, buhay sa buhay, pap*tayin ko si Juliana,'” paglalahad ni Defensor.

Nabahala umano siya sa komento ng netizen kaya humingi siya ng tulong sa NBI para hanapin at kilalanin ito. Nagpa-message daw muna siya sa netizen para madali itong ma-trace.

Imahe mula sa Facebook ni Rep. Defensor

“Alam ko dinelete niya e pero nakuha namin yung pangalan and hopefully ma-trace namin ito,” anang mambabatas.

Inamin rin ng kongresista na marami na siyang natatanggap na banta pero hindi niya ito pinapatulan.

“Pero pag ang anak ko na at lalo’t higit ang 4 na taong bata ang pagbabantaan mo ay may kalalagyan ka. Panindigan mo ang matasamata at buhaysabuhay na sinasabi mo!” wika nito.

Imahe mula sa Facebook post ni Rep. Defensor

Nagpaalala naman ang mambabatas sa mga netizens na maging responsable sa paggamit ng social media at matutong gumalang sa opinyon ng iba kahit taliwas pa ito sa sariling paniniwala.

Bagama’t mayroong iba’t-ibang pananaw at paninindigan sa pulitika ang karamihan, dapat umanong maging bukas tayo sa pag-uusap at pagsasalita nang may paggalang at walang pagmumura.

Si Defensor ay isa sa 70 na mga mambabatas na humarang sa prangkisa ng ABS-CBN sa Kamara.

Loading…